(NI ABBY MENDOZA)
IPINAGTANGGOL ni Albay Rep. Joey Salceda ang desisyon ng House Plenary sa pagbuo ng small committee para salain ang mga ipapasok na institutional at individual amendments sa 2020 General Appropriations Bill.
Ayon kay Salceda, hindi na dapat bigyang kulay pa ang nasabing hakbang dahil hindi naman ito ang unang pagkakataon na ginawa ang ganitong sistema kundi noon pang 18th Congress, aniya, desisyon ito ng plenaryo para maging praktikal ang pagsusumite ng amendments ng mga kongresista lalo at hindi naman maaaring silang lahat na 299 miyembro ng House of Representatives ang magsasama-sama at magsasapinal ng amendments.
“Delegating to a small committee some of the duties that the plenary could otherwise perform is a practice that has been done in the past years.What is of paramount importance is that the Plenary authorized and resolve amendments and that the Small Commitee acts within the purview of the authority conferred upon it by the Plenary,” paliwanag ni Salceda.
Umapela si Salceda sa Senado na kilalanin ang inter-parliamentary courtesy at hayaan munang magtrabaho ang Kamara hanggang sa makarating na sa kanila ang kopya ng panukalang pambansang pondo.
Sa Oktubre 1 inaasahang maisusumite ng Kamara sa Senado ang kopya ng General Appropriations Bill(GAB) kung saan may pagkakataon na umano si Sen. Panfilo Lacson na himayin at hanapin ang sinasabi nitong bilyong pondo na mapupunta sa mga miyembro ng Kamara na tiyak umanong wala syang makikita.
Matatandaan na nang maipasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ang GAB sa ilalim ng House Bill No. 4228 ay agad na bumuo ng small committee ang Kamara na syang tatanggap ng mga amendments ng mga mambabatas sa pambansang budget sa halip na gawin ito sa plenaryo.
146