PAGKAMPI NG BIR SA NEGOSYANTE, BINATIKOS

Binatikos ng Federation of Free Workers (FFW) ang Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa paglalabas nito ng kautusan na nagsasabing ang bayad ng negosyante sa healthcards ay bahagi na ng bonus ng mga manggagawa.

Sabi ni Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng FFW, ang Revenue Memorandum Circular (RMC) 50-2018 (A7) ng BIR ay naglalayong bawasan ang bonus ng mga manggagawa tulad ng 13th-month-pay dahil nakasaad sa nasabing kautusan na ang premium na ibinabayad ng mga negosyante para sa Philhealth (Philippine Health Corporation) ng kanilang mga manggagawa ay bahagi na ng bonus na kanilang matatanggap mula sa kanilang employer.

Mahigit 200,000 obrero ang kasapi ng FFW mula sa iba’t ibang unyon sa buong bansa.

Inilabas ng BIR Revenue Memorandum Circular (RMC) 50-2018 (A7) ilang linggo bago makatanggap ng 13th-month-pay ang mga manggagawa.

Idiniin ni Matula na “Taxing healthcard and even education assistance given to workers is detrimental to the take home pay of our workers. This is a manifestation of government insensitivity to plight of our working people.”

“Lumilitaw na hindi alam ng BIR ang tunay na kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan,” tugon ni Matula, pangulo rin ng Nagkaisa labor coalition na binubuo ng mahigit 40 alyansa at pederasyon ng mga samahan ng mga manggagawang Filipino.

Kung sisipating mabuti ang bagong BIR Circular, sa reyalidad ay binuwisan ng BIR ang manggagawa dahil ang bayad ng kapitalista sa healthcards ng obrero ay pag-aari na ng huli.

Hindi siningil ng BIR ang mga negosyante sa ibinayad niya sa Philhealth ng obrero, ayon na rin sa nasabing kautusan.

“Mukhang desperado ang BIR na lumaki ang kita ng pamahalaan, kaya isinama nito ang mga taxable items na hindi kasama sa TRAIN (Tax Reform Accessibility and Inclusion) Law,” ratsada ni Matula.

Nababanas din ang pangulo ng FFW at Nagkaisa dahil binuwisan pa ang Philhealth gayong hindi naman kargo ang lahat ng gastos ng mga manggagawang nao-ospital o nagkakasakit.

10

Related posts

Leave a Comment