PAGKASIRA NG MGA PLANTA TUWING TAG-INIT BUBUSISIIN

powerplant12

(NI BERNARD TAGUINOD)

KAILANGANG rebyuhin ang Power Supply Agreement (PSA) ng mga siraing planta dahil tuwing summer na lamang ay nasisira ang mga ito na nagiging dahilan para tumaas ang singil sa kuryente.

Ito ang iginiit ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate dahil kung hindi umano titino ang mga may-ari ng mga plantang ito ay masisira at masisira umano ulit ito sa susunod na mga taon.

“Dapat nga ay ang mga may-ari ng mga siraing plantang ito ang nagbabayad ng dagdag-gastos sa kuryente dahil kasalanan nila ang pagkasira ng mga plantang ito at hindi ng mga consumers kaya hindi dapat tayo ang sinisingil,” ani Zarate.

Sa nakaraang mga araw ay nagkaroon ng yellow alert at rotating brownout dahil sa pagnipis ng reserba ng kuryente matapos mag-shutdown umano ang ilang planta ng kuryente.

“Ang nangyayari kasi ay lagi na lang sabay-sabay nasisira  ang Sual power plant,Calaca power plant at Pagbilao power plant at maging ang Malaya thermal power plant mula pa noong 2012,” ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares.

Dahil dito, kailangang rebisahin umano ang PSA ng mga plantang ito dahil nakakapagtataka umano na laging nasisira ang mga ito tuwing panahon ng tag-init na siyang dahilan ng pagtaas ng presyo ng kuryente na ipinapasa naman ng mga power distributors tulad ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga consumers.

“Mukhang talagang pinagkakakitaan ng todo ang mga consumers dahil dito at kasama pa ang iba pang pass on charges like the missionary charges,” ayon pa kay Colmenares.

 

155

Related posts

Leave a Comment