PAGLIIT NG BILANG NG JOBLESS PINOY TEMPORARY – SOLON

WALANG dapat ipakampante sa iniulat na pagkabawas sa bilang ng mga Pinoy na walang trabaho dahil pansamantala lamang ito.

Naniniwala si House assistant minority leader France Castro ng ACT party-list na ang pagliit ng bilang ng jobless Pinoy ay may kaugnayan sa paparating na holiday season.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong nakalipas na Setyembre ay nabawasan ng mahigit 183,000 ang mga walang kayod.

“The latest Philippine Statistics Authority estimates that 2.5 million Filipinos were jobless in September, a decrease from August’s 2.68 million unemployed may just be the result of the upcoming holiday season and the jobs our workers got were mostly contractual,” ani Castro.

Karaniwang nadaragdagan ang trabaho kapag paparating ang holiday season dahil nangangailangan ng dagdag na trabahador o manpower ang mga establisimyento.

Para sa mambabatas, hindi ito ang hinahanap ng mga Pilipino kundi permanenteng trabaho.

Pinuna rin ng lady solon ang pagtaas ng underemployed na umaabot umano sa 15.4% na katumbas ng 7.3 million na walang regular na sahod dahil hindi kumpleto ang oras ng kanilang pagtatrabaho.

“Contractual work does not give stable and sustainable income to workers and presents a misleading picture of the true state of joblessness as well as underemployment in the Philippines,” ayon pa kay Castro.

Dahil dito, iginiit ng mambabatas na maipasa ang kanilang panukala na ipagbawal ang kontraktuwalisasyon upang magkaroon ng security of tenure at maprotektahan ang lahat ng manggagawa sa bansa.

Sa ulat ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, noong Setyembre ay nasa 2.50 million unemployed persons o 5% unemployment rate ang naitala ng kagawaran na mas mababa kumpara sa 2.68 million na bilang ng mga indibidwal na walang trabaho o 5.3% na unemployment rate na kanilang naitala noong Agosto, at mas mababa pa rin ito sa 4.28 million jobless Filipinos na naitala noong Setyembre ng nakalipas na taon.

Ngunit sa kabila ng pagbabang ito sa bilang ng mga jobless, bumaba rin ang bilang ng mga mayroong trabaho.

Sa datos, nitong Setyembre ay nakapagtala ng 47.58 million employed Filipinos ang kagawaran, mas mababa sa 47.87 million na naitala noong Agosto.

Nakaapekto umano rito ang pagbabawas ng labor force participation sa bansa.

Ani Mapa, nitong Setyembre ay bumaba sa halos 500,000 ang labor force participation rate dahil sa pagbabalik-eskwela ng ilang trabahador. (BERNARD TAGUINOD/RENE CRISOSTOMO)

22

Related posts

Leave a Comment