PAGPAPATUPAD NG PES ITINULAK BILANG SOLUSYON SA BULLYING

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makipagtulungan sa mga Parent-Teacher Associations (PTA) upang ipatupad ang Parent Effectiveness Service Program Act (Republic Act No. 11908).

Layon nito na masolusyunan ang tumataas na kaso ng bullying sa mga estudyante.

Una nang ipinaliwanag ng ilang mga eksperto na madalas biktima rin ng karahasan sa kanilang mga tahanan ang mga bully sa paaralan.

Ito ay nang sabihin ni Dr. Bernadette Madrid ng Child Protection Network Foundation na sinasalamin ng mataas na bilang ng mga insidente ng bullying ang antas ng karahasang nararanasan ng mga kabataan sa kanilang mga tahanan.

Dahil sa mahalagang papel ng mga magulang sa pagsugpo ng bullying, binigyang diin ni Gatchalian ang pagpapatupad sa Parent Effectiveness Service Program (PES) Act upang palawakin ang kaalaman ng mga magulang at mga parent-substitutes sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Bago pa ipasa ang batas, ipinapatupad na ng DSWD ang PES para sa mga magulang ng mga mag-aaral ng mga child development centers. Dumadaan ang mga magulang na ito sa orientation ng parent effectiveness service.

Ngunit para kay Gatchalian, malaking hamon na maabot ng programa ang may 20 milyong magulang kaya’t malaking tulong ang pakikipag-ugnayan sa mga PTA.

“Maaari ninyong gamitin ang network ng DepEd dahil meron na silang mga PTA. Ito ang pinakamabilis na paraan para maabot ang ating mga magulang. Kung meron na kayong mga modules, makipagtulungan na lamang kayo sa DepEd dahil naaabot na nila ang mga magulang. Pwede niyo nang imandato sa mga magulang na maging bahagi ng Parent Effectiveness Service,” mungkahi ni Gatchalian. (DANG SAMSON-GARCIA)

228

Related posts

Leave a Comment