PAGPASADA NG JEEP, BUS, HIRIT SA SENADO

HINILING ni Senador Risa Hontiveros sa Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagan nang pumasada ang lahat ng jeep at bus dahil lubha nang apektado ang mga drayber na walang kinikita, mag-aapat na buwan na.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na sakaling payagang pumasada ang mga jeep at bus, dapat mahigpit na ipatupad ng mga drayber ang health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.

“Hindi lang dapat para sa mga may sasakyan ang kalsada natin. Kung may social distancing naman, bakit hindi payagan na ang mga jeep at bus?,” ayon kay Hontiveros.

Kamakailan, may anim na drayber na pawang miyembro ng PISTON ang dinakip dahil sa pagsasagawa ng protesta laban sa jeepney phase out kabilang ang walong drayber sa Cebu na nagsagawa ng katulad na pagkilos.

“It is in the best interest of the commuting public and the transport sector alike if jeeps and buses soon resume operations provided they follow social distancing and other health guidelines,” hirit ni Hontiveros.

Isinagawa ni Hontiveros ang apela matapos ipahayag ng Palasyo na papayagan lamang pumasada ang limitadong bilang ng bus sa kani-kanilang ruta, pero hindi pa rin pinapayagan ang pagpasada naman ng jeep dahil pinag-aaralan pa kung paano nito ipatutupad ang social distancing.

Ayon kay Hontiveros, patuloy na nawawalan ng kita ang mga drayber at operator at tumataas din ang banta sa kalusugan ng commuters na naglalakad o nakikisalamuha sa matataong lugar upang makarating lamang sa kanilang destinasyon.

“Marami na tayong halimbawa sa iba’t ibang siyudad kung paano ang dapat na social distancing sa loob ng jeep at bus.

Mas walang social distancing at health protections sa iilang truck at utility van ng pamahalaan na nagpapasakay sa mga tao ngayon,” aniya.

Iginiit pa ng senador na dapat nang pabilisin ang pagpapalabas ng kumprehensibong health guidelines na mahigpit na ipatutupad ng mga drayber at operator ng jeep at bus na ipasusunod sa mga pasahero.

“Sinayang ng Department of Transportation ang mahigit dalawang buwang quarantine. Dapat may guidelines na ngayon,” aniya.

Binatikos din ni Hontiveros ang panukalang sanayin ang mga jeepney driver bilang contact tracer para sa kaso ng coronavirus 2019 (COVID-19) dahil simpleng counterproductive ito: “Imbes na gumastos ang pamahalaan para i-train ang mga driver sa mga gawain na hindi nila gamay, bakit hindi na lang gamitin ang pera na yan para siguraduhin ang social distancing at protective measures sa mga jeep at bus para makabiyahe na sila ulit?”

Hiniling din ng senador sa pamahalaan na kumalap ng service contracting sa transport sector upang matiyak na may sapat na kita ang mga drayber at operator.

“Hindi tamang ang nakakabiyahe lang ngayon ay ang mga naka-aircon na sasakyan. DoTr should stop being anti-poor,” pagtatapos ng mambabatas. ESTONG REYES

62

Related posts

Leave a Comment