PAGREBISA SA KASO VS MAYOR BALDO MALABO NA

baldo200

(NI NICK ECHEVARRIA)

WALA nang magagawa ang Philippine National Police (PNP) para rebisahin ang kaso ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo dahil nakasampa na ito sa korte.

Ito ang ipinahayag ni PNP Chief General Oscar Albayalde, aniya hindi na nila ito maaaring panghimasukan at bahala na ang korte na sumuri sa mga ebidensya na isinumite ng pulisya laban kay Baldo.

Sinabi pa ni Albayalde na tanging ang hukuman na lamang ang makapagde-desisyon sa kahihinatnan ng kaso ni Baldo na itinuturong mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe.

Reaksyon ito ng PNP Chief sa naging panawagan ni Baldo kay Pangulong Rodrigo Duterte at  Justice Secretary Menardo Guevarra na muling rebyuhin ang umanoy magkakasalungat na isinumiteng ebidensya ng PNP laban sa kanya.

Nauna nang inaresto si Baldo sa kasong illegal possession of firearms  noong January 22 makaraang makumpiskahan ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kanyang tahanan sa Brgy. Tagas ng nasabing bayan ng mga hindi lisensyadong baril subalit nakalaya matapos maglagak ng piyansa.

147

Related posts

Leave a Comment