Pagtanggap sa dismissed cop sa viral road rage ipaliwanag DOJ TAHIMIK SA KONTROBERSYAL NA SI GONZALES

NARARAPAT lamang ipaliwanag ng Department of Justice (DOJ) kung bakit kinuha ng mga ito bilang empleyado si Wilfredo “Willie” Gonzales, ang dismissed police officer na nasangkot sa road rage sa Quezon City noong Agosto 8.

Ito ang iginiit ni dating Congressman Neri Colmenares dahil napaulat na nagtatrabaho sa DOJ si Gonzales.

Responsibilidad aniya ng ahensya na pinamumunuan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na ipaliwanag sa publiko kung bakit kinuhang empleyado si Gonzales.

“Kung totoong kinuha siya (Gonzales) ng DOJ, dapat iexplain ng DOJ bakit siya tinanggap at madami naman dyang qualified,” ayon kay Colmenares lalo na’t dinismiss ng Office of the Ombudsman sa serbisyo si Gonzales.

Sa viral video, nakasuot ng uniporme si Gonzales na may pin ng ahensyang pinagtatrabahuhan nang babaan nito ang siklistang nakaalitan bago niya ito pinagmumura, binatukan at kinasahan ng baril.

Base sa mga impormasyon, sa DOJ umano nagtatrabaho si Gonzales subalit walang inilalabas na kumpirmasyon ang ahensya.

Sa ngayon ay binawi na ng Philippine National Police (PNP)-Firearms and Explosive Office ang License to Own and Possess Firearms at Firearm Registration and Permit To Carry Firearms Outside Residence ni Gonzales.

Bukod dito, sinuspinde na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ni Gonzales at kinasuhan na rin ito ng alarmed and scandal matapos punahin ng iba’t ibang indibidwal kasama na si Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagbibigay ng Quezon City Police District (QCPD) ng platform dito para magpaliwanag subalit hindi naman humingi ng apology.

“Masyado siyang pinaboran. Walang ganung leniency (ng mga pulis) sa ordinary employees. Pero pag pulis, mabilis at madalas,” ani Colmenares.

(BERNARD TAGUINOD)

105

Related posts

Leave a Comment