Zandro umeksena sa Kamara SARA ‘DI NAGISA SA P125-B CONFI FUNDS

MISTULANG iniwas ni Presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na magisa si Vice President Sara Duterte sa P125 million confidential funds na ginastos ng Office of the Vice President (OVP) sa loob lamang ng 19 araw noong 2022.

Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa P2.3 billion budget ng OVP sa susunod na taon, nabigo si House deputy minority leader France Castro na matanong si Duterte matapos umeksena agad si Marcos para iterminate ang pagdinig sa budget ng tanggapan ni Duterte.

“Mrs. Chair, in line with long standing tradition of giving the Office of the Vice President parliamentary courtesy, I move to terminate the budget of the office of the vice president,” ani Marcos pagkatapos na pagkatapos ng video presentation ng tanggapan ni Duterte.

Tinangka ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na mag-object subalit mas binigyan ni Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora ng bigat ang second the motion mula sa majority bloc.

“We have a motion duly seconded to the termination of budget of….” Ang hindi natapos na pahayag ni Zamora nang mag-object si Castro.

Dahil dito, nagpasya si Zamora na idaan sa botohan ang mosyon ni Marcos kung saan 21 miyembro ng komite ang pumabor kaya agad tinapos ang pagdinig.

Tinangka ni Castro na maghain ng manifestation dahil kailangan umanong sagutin ni Duterte ang natuklasan nitong P125 million confidential funds ng OVP noong 2022 gayung walang inilaang ganitong pondo sa tanggapan sa nabanggit na taon.

Hindi na ito pinansin ni Zamora habang patuloy na nagsasalita si Castro kaya pinatayan ito ng mikropono kasama ng pagputol sa live coverage sa social media.

P125-M CONFI FUND
‘DI NAIPALIWANAG NI SARA

KINONDENA ni House deputy minority leader France Castro ang aksyon ng mayorya para hindi matanong si Vice President Sara Duterte kaugnay sa kwestyonable umanong paggastos nito sa loob lamang ng 19 araw sa P125 million confidential fund ng tanggapan nito.

“Sa halip na maging tagapagbantay ng kabang-yaman ng mamamayan, ginamit ng mayorya sa Kongreso ang budget hearing upang pagtakpan at panatilihing lihim ang anomalya sa Php 125 milyon Confidential Fund na ginastos ng Bise Presidente noong 2022,” ani Castro.

Kinain din aniya ni Duterte ang kanyang salita na kaya niyang ipaliwanag ang nasabing pondo dahil imbes na magsalita ay nagtago ito sa saya ng mayorya sa Kamara.

“Sa halip na magpaliwanag ito sa budget hearing katulad ng ipinangako niya sa kanyang official press release, malugod siyang nagtago sa saya ng mayorya sa Kongreso at nanatiling tikom ang bibig,” dagdag pa ng mambabats.

Nabatid na bagamat dinaluhan ni Duterte ang pagdinig, ipinasa naman nito ang pagsagot sa mga katanungan sa kanyang mga tauhan.

Maging sa presentasyon ng budget ng DepEd ay idinaan sa video presentation taliwas sa nakagawian na mismong ang Secretary ng departamento ang nagpepresenta ng kanilang budget.

Sa unang tanong ni Castro hinggil sa salary increase ng mga public school teacher, ipinasa ni Duterte ang pagsagot sa kanyang Undersecretary na si Gloria Mercado.

“Madame chair, Usec Mercado will answer,” ani Duterte.

Maging sa confidential at intelligence funds ng DepEd na nagkakahalaga ng P150 million sa susunod na taon ay ipinasa ni Duterte ang pagsagot kay USec Michael Wesly Poa.

Gayundin sa detalye ng posisyon sa DepEd na tanong ni Iloilo Rep. Janette Garin ay si Mercado ang pinasagot ni Duterte.

Si Poa rin ang pinasagot ni Duterte sa usapin hinggil sa umano’y problema sa seguridad sa mga paaralan na kagagawan ng mga rebelde.

Ayon kay Poa, mula 2016 hanggang 2020, naging 12 porsyento umano sa 1,691 na dating miyembro ng CPP-NPA o Communist Party of the Philippines-New People’s Army ay kinabibilangan ng mga kabataan.

Nangangahulugan aniya ito na 12 hanggang 17-anyos ang mga sumapi base sa datos ng Eastern Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Habang isinusulat ito ay nagpapatuloy ang pagdinig sa budget ng departamento na nagkakahalaga ng P924.7 billion kabilang na ang P150 million CIF ni Duterte.

(BERNARD TAGUINOD)

320

Related posts

Leave a Comment