PALACE EXEC BISTADO SA P1-B ILLEGAL MINING

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

SA halip na kastiguhin ang pasaway na Chinese mining company, sinalungat ng isang opisyal sa Palasyo ang inilabas na closure order ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bunsod ng kawalan ng environmental clearance certificate (ECC).

Batay sa mga dokumentong pirmado ni deputy executive secretary for legal affairs Anna Liza Logan, inatasan ang DENR na bawiin ang cease and desist order (CDO) na inilabas ng Environmental Management Bureau laban sa Yinglong Steel Corp. (YSC) na ipinasara dahil sa tahasang paglabag sa mga tampok na probisyon sa ilalim ng Republic Act 7942 (Philippine Mining Act of 1995).

Anim na araw matapos harangin ang closure order, ginawaran naman ng DENR-EMB Regional Office III ng permit to transport ang Yinglong para ibyahe sa ibang bansa ang nasa 250,000 metriko toneladang nickel (katumbas ng P1 bilyon sa merkado) na nahukay sa naturang lalawigan.

Gayunpaman, agad na inatasan ni Environment Sec. Maria Antonia Yulo Loyzaga si DENR-Mines and Geosciences Bureau Director Wilfredo Mancano na pigilan ang paglabas ng nickel mula sa nasabing lalawigan, na siyang dahilan sa pagbibitiw umano ni DENR-MGB III chief Alilo Ensomo.

“It is time that I give back to my family and spend every possible moment with them,” sambit ni Ensomo sa kanyang resignation letter.

Taong 2022 pa lang nang magkahiwalay na ipatigil ng DENR at MGB ang di umano’y ilegal na operasyon ng Yinglong bunsod ng paglabag sa Presidential Decree 1856 na makailang ulit pinagtibay ng mga nakalipas na administrasyon.

Sa ilalim ng PD 1586, kulong at multa ang parusa sa mga may-ari ng mga pasaway na mining firms.

Sa panig ng Yinglong, inamin ng kumpanyang wala silang ECC. Gayunpaman, nanindigan ito na pwede nilang gamitin ang ECC na iginawad ng pamahalaan sa kumpanyang nagbenta ng mining rights sa 2292 ektaryang lupa sa bayan ng Candelaria (Zambales) na kanilang minimina – ang Westchinamin Corp.

Subalit sa ilalim ng PD 1586, inoobliga ng batas ang ECC sa mga kumpanya sa hangaring matukoy ang mga responsable sakaling may bulilyaso sa operasyon ng pagmimina.

Samantala, lubhang ikinabahala ng isang opisyal ng DENR ang aniya’y ilegal na direktiba ni Logan. Ayon sa nasabing opisyal na ayaw muna ipabanggit ang pangalan, tanging ang Pangulo – at hindi ang Deputy Executive Secretary (at maging ang Executive Secretary) ang may kapangyarihan magbasura ng kautusan ng mga departamento sa ilalim ng executive branch.

309

Related posts

Leave a Comment