BAGAMA’T ipinasa na sa ikalawang pagbasa ang ekstensyon ng Bayanihan to Heal as One Law bago magdeklara ng sine die ang Kongreso kahapon ng tanghali, nabitin ang pagpapatibay sa panukalang palawigin ito dahil kailangan munang imbestigahan at panagutin ang mga opisyal sa palpak na implementasyon ng unang batas.
“Going to Bayanihan 2, we commit to the President and the Filipino we will be supportive. But we will follow the president’s lead, we will demand accountability,” ani House Speaker Alan Peter Cayetano.
Hindi itinago ni Cayetano ang kanyang pagkadismaya sa implementasyon ng unang Bayanihan law lalo na sa distribusyon ng cash subsidy sa 18 million low income families na apektado ng community quarantine.
Partikular na pinagdiskitahan ni Cayetano ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa burukrasya umano sa ahensya lalo na sa regional offices kaya ang 10 araw na ipinangako ng mga ito para maihatid ang ayuda sa lahat ng beneficiaries ay umaabot ng isa hanggang dalawang buwan.
“There are problems in implementation that are understandable, but there are problems in implementation that are inexcusable,” pahayag ni Cayetano lalo na’t umabot ng dalawang buwan bago natanggap ng beneficiaries ang kanilang social amelioration.
Bukod dito, imbes na makinig umano ang DSWD sa mga governor at mayor na siyang nakaaalam sa kanilang mga constituent ay ang mga regional director ang pinakinggan nito na ayon kay Cayetano ay “marami ang walang experience sa ganitong magnitude na problema” kaya lalong nagkagulo sa SAP distribution.
Nilinaw ni Cayetano na hindi lahat ng mga regional director ng DSWD ay may problema subalit marami umano sa mga ito ay dinagdagan ang burukrasya kaya lalong nagkaroon ng problema sa SAP distribution.
Dahil dito, magsasagawa umano ng imbestigasyon ang Kongreso. BERNARD TAGUINOD
