(NI BERNARD TAGUINOD)
PINALAGAN ng militanteng grupo si Social Security System (SSS) President at Chief Executive Emmanuel Dooc matapos isisi sa politika ang kanilang pag-usisa sa hindi nakokolektang pension fund.
“Mr. Dooc should stop trying to divert the issue that politics is in play here,” ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate dahil lehitimo ang nasabing usapin at nakataya rito ang interes ng mga SSS members.
Ginawa ni Zarate ang pahayag matapos ikonekta ni Dooc ang isyu sa pulitika lalo na’t tumatakbo bilang senador si Bayan Muna party-list Rep. Neri Javier Colmenares na nagbunyag na umaabot sa P437 Billion ang hindi nakolekta ng SSS simula noong 2010.
Ayon sa mambabatas, 2011 pa lamang aniya ay tinututukan na ng Bayan Muna ang interes ng mga pensyonado at miyembro ng SSS kaya hindi umano tama namumulitika lamang si Colmenares.
Unang sinabi ni Colmenares na tinatayang aabot sa P109 bilyon ang hindi nairemit ng may 122,000 employers simula noong 2010 at karagdagang P280 bilyon na pnelties ang hindi nakolekta ng SSS.
Itinanggi ni Dooc ang nasabing alegasyon dahil P13.8 bilyon lang umano ang hindi nila nakolekta noong 2017 kaya sinabi nito sa mga ulat na “I know where he (Colmenares) is coming. He is trying to project that he is the champion for the workers”.
Hindi ito nagustuhan ni Zarate at sinabing “….Mr.Dooc should just stick to the issue of their inefficiency and they are trying to pull a fast one by increasing SSS contribution at the same time have the power to adjust their salaries and benefits. Wag na silang magpalusot, dahil itutuloy namin ang pangangalampag”.
Pinanindigan naman ni Colmenares na P437 Billion ang hindi nakolekta ng SSS simula noong 2010 at hindi aniya ito gawa-gawa lamang kundi report mismo ito ng Commission on Audit (COA).
137