BINUWELTAHAN ng Malacanang ang pasabog ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board director Sandra Cam sa pagsabing malaya siyang makaaalis sa pwesto kung hindi na niya masikmura ang korupsiyon sa ahensiya.
Hindi na rin umano niya kailangan pa ang aksiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin siya sa pwesto, ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo.
Isang press conference ang ipinatawag ni Cam noong Huwebes at hiniling nito sa Pangulo na sibakin na siya sa pwesto dahil umano sa mga katiwaliang nagaganap.
Ayon sa report, sinabi ni Cam na may P10 bilyon ang nawawala dahil sa Peryahan ng Bayan project.
Hinihimok din umano siya ng kapwa niya mga director na baligtarin ang PCSO Board Resolution 83 na kikila sa bagong opisyal ng Speedgame Inc. na nagsasagawa ng operasyon ng Small Town Lottery sa Pangasinan.
Sinabi ni Cam na may utang pa ang Speedgame sa ahensiya ng aabot sa P132 million. Hindi rin umano gumagawa ng hakbang ang PCSO na kolektahin ang utang ng mga STL operators.
Sinabi naman ni Panelo na isapormal ni Cam ang kanyang reklamo at isumite ito sa
Presidential Anti-Corruption Commission upang maaksiyunan ito.
Maaari rin siyang magsampa ng kaso laban sa mga tiwaling opisyal ng PCSO at isumite ito sa PACC.
Tiniyak naman ng Palasyo na magsasagawa ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng korupsiyon sa PCSO.
300