(NI BERNARD TAGUINOD/PHOTO BY RAFAEL TABOY)
NAIPANGAKO na sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law at maging sa Oil Deregulation Law ang magandang pangako ng gobyerno sa Rice Tariffication Law na makakatulong ito sa mamamayan subalit kabaliktaran ang nangyari.
Ito ikinakabahala ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Tariffication Act kung saan pinapangakuan ang mga magsasaka na gaganda ang kanilang buhay.
Sa ilalim ng nasabing batas, maglalaan ang gobyerno ng P10 bilyon na inisyal na pondo para bigyan ng ayuda ang mga magsasaka upang maparami ang kanilang ani sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at lumaki ang kanilang kita.
Ang nasabing halaga ay para sa unang taon ng implementasyon ng nasabing batas at ang makokolektang ratipa sa mga mga aangkating bigas ng mga rice traders sa ibang bansa ay diretso ang gagastusin sa mga magsasaka.
“Narinig na natin ito dati sa TRAIN Law na ang dagdag-kita raw na makukuha mula dito ay makatutulong sa lahat ng Pilipino. Ang nangyari, tumaas ang presyo ng bilihin at lumala ang gutom at paghihirap ng maraming pamilya,” ani Alejano.
Kahit aniya sa Oil Deregulation Law ay nangako ang gobyerno na bababa ang presyo ng langis sa lokal na merkado dahil magkakaroon na ang kumpetismo dahil bukod sa tinaguriang Big 3 tulad ng Petron, Shell at Caltex ay papasok ang ibang player sa industry.
Gayunpaman, hindi aniya ito nangyari dahil walang nangyaring kumpitensya sa presyo ng langis sa lokal na merkado at sa halip ay halos pare-pareho ang presyong ipapatupad ng mga dati at mga bagong players sa nasabing industriya.
Dahil dito, sinabi ni Alejano na ayaw nitong hawakan ang pangakong ito ng Duterte administration sa Rice Tariffication Act na kapag maraming bigas ang aangkatin sa ibang bansa ay bababa ang presyo nito sa lokal na merkado.
156