PAPEL NI BONG GO SA APPOINTMENT NI GARMA SA PCSO NABUKING

NABUKO ng quad committee sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang papel ni Senador Christopher ‘Bong’ Go sa appointment ni retired Police Lt. Col. Royina Garma sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kahit may mga mas kwalipikado sa kanya para pamunuan ang money making machine ng gobyerno.

Sa ikalimang pagdinig ng nasabing komite sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), illegal drug trade at extra-judicial killings (EJK) noong kasagsagan ng war on drugs, inamin ni Garma na dumaan siya kay Go para sa kanyang appointment sa PCSO.

“I submitted my application… to now Sen. Bong Go. I wrote a letter addressed to the President applying for the position,” ani Garma nang kuwestiyunin ni Taguig Rep. Pammy Zamora kung paano nito nakuha ang nasabing posisyon na itinuturing na ‘juicy”.

Bago naging senador, kilalang Special Assistant to the President (SAP) si Go kay dating pangulong Rodrigo Duterte kung saan sa kanya lahat dumaraan ang mga taong gustong kumausap nang personal sa pangulo.

Inamin din ni Garma na walang hindi nakakakilala kay Go sa Davao City lalo na sa hanay ng Philippine National Police (PNP) nang tanungin ito ni Zamora kung kilala mismo nito ang senador na unang naging alalay ng pangulo noong siya ay mayor pa ng Davao City.

Kinumpirma rin ng dating opisyal na personal niyang nakausap si Duterte matapos siyang italaga bilang general manager ng PCSO at binigyan din umano siya nito ng instruksyon.

Si Garma na dating deputy ng PNP-Criminal Investigation Detection Group sa Region 11 ay nadawit sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords na nakakulong sa Davao Penal Farm noong Agosto 2016.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nasabit ang pangalan ni Go dahil bago ito ay itinuro siya ni Lt. Col. Jovie Espenido na pinagdadaanan ng POGO money para ipambayad sa mga pulis na makapapatay ng mga illegal drug suspect.

Samantala, sinabi ng lead chairman ng Quad Comm na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na makalalabas lang sa kulungan si Garma kung makikipagtulungan sa komite. (BERNARD TAGUINOD)

152

Related posts

Leave a Comment