Para bumiyahe sa ‘new normal’ kahit lugi ang pasada KRUDO NG PUVs ILIBRE NG GOBYERNO

HINDI lang 50% kundi 100% na subsidy sa krudo ang nais ng isang mambabatas sa Kamara na ibigay ng gobyerno sa lahat ng public utility vehicles (PUVs) upang mahikayat ang mga itong mamasada.

Ginawa ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo ang nasabing panukala dahil papayagan ang mga PUV na mamasada subalit kailangang tiyakin na 50% lamang ang kanilang sakay upang masunod ang social distancing.

“Upang makasunod sila sa alintunin ng pamahalaan, kalahati na lang ang maaari nilang kitain, subalit pareho ang kanilang gagastusin sa krudo. Baka kulang pa ang kanilang kikitain sa maghapon para pambayad lang sa krudo ng kanilang pampasadang sasakyan,” ni Salo.

Naniniwala ang mambabatas na kahit payagan na ang pamamasada ng lahat ng PUVs ay posibleng marami pa rin ang hindi mamasada dahil sa kautusan ng gobyerno na 50% lamang ang dapat nilang isakay.

Malulugi at mapapagod lamang umano ang mga ito kaya inaasahan na karamihan sa mga ito ay hindi na lang mamamasada, sa halip ay hihintayin na lamang na maging normal ang sitwasyon.

Gayunman, hindi cash kundi krudo na mismo ang dapat aniyang ibigay sa mga tsuper upang masiguro na mamamasada ang mga ito upang hindi mahirapan ang mga manggagawa sa pagpasok sa trabaho. BERNARD TAGUINOD

154

Related posts

Leave a Comment