Para ihinto ang bidding ng Meralco MALAMPAYA CONSORTIUM WALANG ‘K’ – CONSUMER LAWYER

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

BINATIKOS ng consumer lawyer na si Paris G. Real ang Malampaya consortium sa pupumilit nitong pigilan ang Competitive Selection Process(CSP) ng Meralco para sa karagdagang 1,000 MW na suplay ng kuryente.

Humingi kasi ang grupo ng Temporary Restraining Order (TRO) sa Taguig Regional Trial Court samantalang hindi naman ito talaga direktang partido sa bidding.

“Malinaw na napatunayan sa pagdinig sa RTC na ang Energy Regulatory Commission, hindi ang mga regional trial courts, ang may eksklusibong hurisdiksyon na dinggin ang mga kaso sa pagitan ng mga kalahok sa sektor ng enerhiya. May awtoridad din ang ERC na mag-isyu ng cease and desist orders, kung kinakailangan,” ayon kay Real, isa sa intervenors sa kaso na kumakatawan sa mga consumer ng kuryente.

Binigyang-diin ni Real na hindi maaaring isakripisyo ang interes ng mga Pilipinong konsyumer para lamang paboran ang interes ng negosyo.

Dagdag pa niya, hindi naman generation company ang Malampaya consortium at wala itong karapatang ipatigil ang bidding dahil hindi naman ito direktang nangongontrata sa Meralco.

“Sa kasong ito, ang mga plaintiff ay hindi mga generation companies kundi mga explorers/producers ng gas. Kaya’t wala silang legal na personalidad upang kwestiyunin ang proseso ng bidding na tanging mga generation companies lamang ang maaaring lumahok – lalo na’t ang mga mismong bidders, kabilang ang mga kliyente ng plaintiffs, ay hindi kinukwestiyon ito,” sabi ni Real.

Ang CSP policy ng Department of Energy (DOE) ay nag-uutos sa lahat ng distribution utilities (DUs) tulad ng Meralco na kumuha ng kuryente nang walang diskriminasyon o paboritismo at sa pinakamababang halaga.

“Lumabas sa isinagawang pagdinig na ang DOE mismo ang nag-uutos na ang mga bidding process ay hindi dapat tumukoy sa isang partikular na uri ng teknolohiya o planta ng kuryente. Malinaw ang legal na mandato para sa Meralco na mag-supply ng kuryente sa mga customer nito sa pinakamababang halaga. Inamin ng mga plaintiffs na ang tanging batayan sa panalo sa CSP ng Mralco ay ang presyo, ngunit ipinipilit nila na dapat bigyan ng pabor ang mga gumagamit ng indigenous gas,” sabi ni Real.

“Lumalabas na gusto ng plaintiffs na kahit mas mahal pa ang indigenous gas, isawalang bahala ang mandato ng least cost supply – malinaw na makakapahamak ito sa kapakanan nating mga kumokonsumo ng kuryente,” dagdag pa niya.

118

Related posts

Leave a Comment