(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
PANSAMANTALANG ipinatigil ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy na first-timer o mga bagong hire sa Kuwait.
Sa pagdinig sa Senado kahapon, sinabi ni DMW Usec. Maria Anthonette Velasco-Allones, sususpendihin na ang deployment ng mga bagong hire na OFWs papunta sa nasabing bansa.
Aniya, iaalok na lang sa mga new-hire ang alternative destinations na Singapore at Hong Kong.
Pahabol pa ni Velasco-Allones, ito ang polisiyang iniwan sa kanila ni DMW Sec. Susan ‘Toots’ Ople na ngayon ay kasama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan para sa official working visit doon.
Nilinaw rin sa pagdinig na hindi apektado ng ‘deployment ban’ ang mga dating worker na sa Kuwait na nagre-renew lang ng kanilang kontrata at pabalik sa nasabing bansa.
Sinuportahan naman sa Kamara ang nasabing hakbang ng DMW.
“I support the move of the DMW to suspend the deployment of our first-time and newly-hired workers to Kuwait until appropriate measures are in place to ensure their safety and welfare,” ani Kabayan Party-list Rep. Ron Salo.
Ang desisyon ng DMW ay kaugnay sa pagkamatay ni Jullebee Ranara na ayon sa ulat ay ang 17-anyos na anak ng kanyang amo ang salarin.
Si Ranara ay sinasabing biktima ng pang-aabuso dahilan kaya ito nabuntis bago natagpuang patay noong Enero 22, 2023.
Bago ito, tumalon naman sa gusali ang ang isa pang OFW sa Kuwait na si Myla Balbag para takasan ang kanyang among nanggulpi sa kanya matapos siyang mahuling nagti-Tiktok.
Base sa mga report, naparalisa si Balbag kaya maraming mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang nagtulak na suspindehin ang pagpapadala ng OFWs sa nasabing bansa.
“Indeed, we need to ensure that those who will be deployed in Kuwait to join the current 195,000 domestic helpers already working there have the requisite experience and knowledge on the culture and laws of Kuwait,” ayon sa mambabatas.
Pinatutulungan din ng mambabatas sa nasabing ahensya ang mga apektadong OFWs na hanapan ang mga ito ng trabaho sa ibang bansa tulad sa Hong Kong at Singapore kung saan iginagalang umano ang karapatan ng mga ito.
Dinikdik sa Senado
Samantala, nag-init ang ulo ng mga senador sa recruitment agency ni Ranara nang manindigan ang kinatawan ng Catalist International Manpower Services Company Legal Counsel Atty. David Castillon na regular ang monitoring nila sa sitwasyon ng OFW at wala silang nakitang bakas na inaabuso ang Pinay.
Sinabi ni Castillon na palagian nilang chine-check ang Tiktok at Facebook ng mga OFW na kanilang dinedeploy kasabay ng salaysay na nagpadala pa ng mensahe sa kanila si Ranara noong Setyembre ng nakaraang taon at sinabing maganda ang kanyang kalagayan at mabait ang kanyang employer.
Pero para kay Senator Joel Villanueva, hindi sapat ang monitoring ng recruitmengt agency kaya’t hindi nila nalaman na inaabuso ang OFW bago pinaslang.
“Parang lagi mo sasabihin na patay na wala na magagawa! You are not monitoring! You should know that she’s being abused,” galit na pahayag ni Villanueva.
Binigyang-diin pa ni Villanueva na bago namatay si Ranara, nakapagsumbong pa siya sa kanyang magulang sa pang-aabuso ng anak ng kanyang amo sa kanya.
“The day before she died, sinabi sa parents about cruelty from the son, asan kayo dito?! Sabi mo ok di ba? Sabi oh parang walang problema, everyday chinecheck mo eh,” giit pa ni Villanueva.
“You’re not monitoring! Inutil ang monitoring mo! You think your monitoring system works! If you don’t have a heart for OFWs, taun-taon ito nangyayari. Sawang-sawa na kami mag-hearing dito!” gigil pa ng senador.
Samantala, may mga ibinahagi ring sensitibong impormasyon si Castillon na batay sa report ng foreign recruitment agency ni Ranara sa Kuwait ay may relasyon ito sa anak ng kanyang amo at nagdadalang-tao ito.
Nang kwestyunin naman ni Senador Raffy Tulfo kung mayroon siyang ebidensya, walang maipakita ang abogado kasabay pa ng paglilinaw ng Overseas Workers Welfare Administration na batay sa autopsy report ay hindi buntis si Ranara kaya’t umapela na huwag nang palakihin ang isyu.
Dahil dito, pinabura sa record ng Senado ang impormasyon at pinahingi ng paumanhin si Castillon sa pamilya.
Halos maiyak naman ang may-ari ng ahensya na si Rachel Mae Rucas at inako ang responsibilidad sa pangyayari subalit sinabi ni Tulfo na kailangan niyang panagutan ang insidente at dapat siyang makulong dahil sa kanyang kapabayaan.
