Para proteksyunan si VP Sara KONGRESO DINUDUNGISAN

MISMONG ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dumudungis sa sarili para lamang maprotektahan si Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte sa ‘ilegal’ na paggastos sa pera ng bayan.

Ganito inilarawan ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang ginawang pagharang ng House committee on appropriations sa pangunguna ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, sa Makabayan bloc na matanong ang bise presidente hinggil sa P125 milyong confidential fund na ginastos nito sa huling 19 araw ng taong 2022 kahit walang nakalaang ganitong pondo sa kanyang tanggapan.

Magugunita na mismong si Rep. Marcos ang nagmosyon para sa terminasyon ng budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) gamit ang ‘parliamentary courtesy” sa ikalawang pinakamataas na lider ng bansa bilang dahilan.

“Naabuso na po ang courtesy. Nadudungisan na po ang reputasyon ng kapulungang ito, na kung bahagi tayo ng co-equal branch of government with the executive, we should exhaust all means to scrutinize,” ani Manuel sa kanyang privilege speech.

Hindi lingid sa lahat na kinuyog ng netizens si Marcos at maging ang Kamara matapos hindi payagan ang Makabayan bloc na matanong ang bise presidente hinggil sa nasabing pondo na ibinigay sa kanya ng Office of the President (OP) noong December 13, 2022 at naubos ito pagdating ng December 31, 2022.

Kinastigo rin ng mambabatas si Duterte dahil kung anong tapang ng kanyang press releases sa pagkuwestiyon sa nasabing pondo ay naging tameme ito sa budget hearing kamakailan gayung puwede naman itong magsalita kahit prinotektahan ito ng kanyang mga kaalyado sa Kamara.

“There are narratives that the Vice President was able to debunk claims by representatives, but she did not any utter any words during the open forum, which actually did not happen because naterminate ang deliberations for OVP,” ani Manuel.

Samantala, sa pagdinig ng budget ng Department of National Defense (DND), tinukuran ni Secretary Gilbert Teodoro ang Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na unang itinatag umano ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana upang magkaroon ng hiwalay na security forces ang OVP.

“Ako tatayuan ko ang necessity ng VPSPG,” ani Teodoro dahil hindi umano consistent ang security personnel ng OVP na umaasa lamang sa Presidential Security Group (PSG).

Nabatid sa Kalihim na may alokasyon na P75 million para sa 345 VPSPG personnel na itatalaga sa OVP sa susunod na taon mula sa kasalukuyang 433 personnel kung saan nakapaloob ang pondong ito sa General Headquarters (GHQ) ng Armed Forces of the Philippine (AFP).

“Mabuti nga nilitaw ito, dahil kung hindi nilitaw, kukunin (ang VSPSG) sa iba’t ibang units (ng AFP) ang requirements (ng security ng OVP) niya,” paliwanag ni Teodoro.

(BERNARD TAGUINOD)

172

Related posts

Leave a Comment