(NI CHRISTIAN DALE)
IKINANTA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may dalawang heneral ang kasalukuyang sangkot sa illegal drug trade.
Ang pasabog na ito ng Pangulo ay inihayag niya sa international community habang idinadaos ang plenary session ng Valdai forum sa Sochi, Russia.
“And right now, even as I fly here and go back, there are about again two generals who are still playing with drugs. And I said, ‘Well, I told you do not destroy my country because it is being flooded with drugs,’” ayon kay Pangulong Duterte.
Iyon nga lamang, ipinagdamot naman ng Pangulo na direktang tukuyin ang pangalan ng dalawang heneral at kung ito’y mula sa military o police.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay alinsunod sa ongoing investigation ng Senado hinggil sa “ninja cops” o kapulisan na nagre- recycle ng mga nasasabat na illegal drugs sa kanilang operasyon.
Naisiwalat sa pagdinig ng Senado kamakailan ang mga ‘ninja cop’.
Sa nasabing pagdinig pinangalanan ni Baguio City Mayor at dating PNP-CIDG Chief Benjamin Magalong ang mga aniya’y ninja cops na nasa likod ng kontrobersiyal na anti-drug operations sa Pampanga noong taong 2013.
Ani Magalong, inatasan siya ng noo’y PNP Chief Allan Purisima na imbestigahan kung bakit bigla na lamang at halos sabay-sabay na nagkakaroon ng SUV ang mga pulis matapos nitong magsagawa ng mga drug raid.
Aniya, sa drug raid noong 2013 na pinamunuan ni Police Supt. Rodeny Baloyo, kasama sina Senior Supt Joven De Guzman, SPO1 Jules Maniago, SPO1 Donald Roque, SPO1 Ronald Santos, SPO1 Rommel Vital, SPO1 Alcindor Tinio, SPO1 Elegio Valeroso, PO3 Dindo Dizon, PO3 Gibert De Vera, PO3 Romeo Guerrero, PO3 Dante Dizon at PO2 Anthony Lacsama.
Natuklasan sa imbestigasyon na naaresto ng grupo ang isang Chinese national na si Johnson Lee, ngunit pinalaya ito matapos na magbayad ng P50M at ibang suspect na lamang ang iprinisinta ng mga ito.
Napag-alaman din na nasa mahigit 200 kilo ng shabu ang nakumpiska ng grupo ngunit nasa 38 kilo lamang ang na-i-turn over ng mga ito.
353