(NI DAVE MEDINA)
DINAGSA na ng pasahero ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Lunes sa pagsisimula ng paghahanda ng mga taga-probinsya sa paggunita ng Mahal na Araw bagaman sa Lunes ng susunod na linggo pa magsisimula ang opisyal na Semana Santa.
Alas 4:00 ng umaga ay naging mabigat na ang volume ng mga sasakyan sa departure area dahil maagang nagsidatingan ang mga pasahero sa airport bilang pagtalima na rin sa payo ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na agahan ng tatlo hanggang apat na oras ang pagdating ng mga pasaherong bibiyahe gamit ang mga paliparan.
Nagsagawa rin ng inspeksyon sa paligid ng paliparan si Monreal para magkaroon ng personal na pagtaya sa sitwasyon sa pagdagsa at kaligtasan ng mga pasahero.
Ayon kay Monreal, maiiwasang mai-stress at maliligtas sa maraming problema ang mga pasahero ng eroplano kung talagang aagahan nila ang pagtungo sa mga terminal ng mga paliparan sa alinmang panig ng bansa.
“Be at the airport as early as possible. If you have three hours to spare, please do that, because if you miss your flight talagang napakahirap kumuha ng re-booking,” sabi ni Monreal.
Pinaalala rin ni Monreal na makakatulong nang malaki ang pakikipagtulungan ng mga pasahero sa mga awtoridad sa NAIA upang maging maayos at ligtas ang kanilang biyahe o pananatili sa airport.
Kasama sa standard operating procedure ng NAIA security officers na sa pagpasok ng mga pasahero sa mga terminal ng paliparan na padaanin sila sa mga x-ray machine, at mahigpit ang tagubilin na alisin lahat ng mga bagay sa kanilang katawan kagaya ng mobile phones at iba pang metallic objects at maaari rin umanong ipatupad ang pag-aalis ng medyas kung kinakailangan.
346