Patunay ang resulta ng Halalan 2022 CROWD SA CAMPAIGN RALLIES ‘DI BASEHAN NG BOTO

MASAMA at mali na “panghawakan” o pagbasehan ng mga kandidato ang pagkapanalo dahil lamang sa dami ng tao na sumama sa kanilang campaign rallies.

Ito’y matapos ang pagdagsa ng mga tao sa campaign sorties ng mga kandidato para sa May 9 national at local elections sa gitna ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic.

Sinabi ni OCTA Research fellow Ranjit Rye, political science professor sa University of the Philippines, na ang pre-election surveys ay mas “reliable” at “accurate,” pagdating sa pagtataya ng resulta ng kasalukuyang halalan.

“Ang klaro dito sa ating mga resulta, hindi ho magandang basehan ho ‘yung rally for electoral outcomes po. Hindi rin magandang basehan ‘yung Google trends kasi hindi naman siya dinisenyo para palitan ho ‘yung you know, public opinion sa surveys po,” ayon kay Rye sa “Hatol ng Bayan 2022” program na inere ng state-run PTV-4.

Ani Rye, ang resulta ng partial at unofficial count ng mga boto para sa halalan ngayong taon ay sumasalamin sa “scientifically-conducted” surveys ukol sa public opinion ng eleksyon sa bansa.
Gayunman, mayroon talaga aniyang magpapahayag ng kanilang pagdududa sa “accuracy” ng pre-election surveys.

“Iyan ang naging experience namin. Talagang grabe ang batikos sa social media. Masaya kami, at least na-validate ‘yung science ho ng surveys. We’re hoping talaga that people will begin to realize the importance and the reliability, ‘yung precision of scientifically-conducted surveys,” ayon kay Rye.

Tinukoy ni Rye ang kaso ng UniTeam tandem nina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte na kapwa nangibabaw sa pre-election surveys at partial at unofficial tally ng mga boto.

Aniya, ang pre-election surveys ng OCTA Research, at maging ng private polling firms Pulse Asia at Social Weather Stations, ay “salamin” ng resulta ng initial tally.

“You know, we are still in the process of canvassing our votes at the national level, specifically for president and vice president. While hindi pa concluded itong process na ito, it’s likely na we already know the projected winners, given that more than 95 percent of the votes have been processed. And it’s likely to be former senator Bongbong Marcos for president and for vice president, si Mayor Sara Duterte,” aniya pa rin.

Samantala, sa kabila ng political differences, nagpahayag naman ng kumpiyansa si Rye na matatanggap ng publiko kung anoman ang magiging resulta ng halalan.

Ang eleksyon aniya ay dapat na magbigkis at hindi maging dahilan ng pagkawatak-watak ng mamamayang Pilipino. (CHRISTIAN DALE)

109

Related posts

Leave a Comment