PBBM wala nang kawala ELECTED OFFICIALS OOBLIGAHIN SA REGULAR DRUG TEST

(BERNARD TAGUINOD)

MAOOBLIGA ang lahat ng elected officials, kasama na ang nahalal na pangulo ng bansa, na sumailalim sa drug test kada anim na buwan kapag naipasa ang isang panukalang batas na inihain ni Davao City Rep. Paolo Duterte.

Sa House Bill (HB) 10744 na iniakda ng anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte, layon umano nito na matiyak na walang nahalal sa iba’t ibang posisyon mula presidential seat pababa ang gumagamit ng ilegal na droga.

Bukod dito, nais din ng mambabatas na maamyendahan ang Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para gawing institusyon na ang boluntaryong random drug testing sa mga kandidato, 90 araw bago ang eleksyon.

“Considering the initiatives towards the deterrence of drug use and abuse, exemptions or favors in the mandatory nature of random drug testing shall not extend to certain class privilege such as the elected and appointed officials, since it becomes imperative upon their own mandate that they shall lead the life of modesty and integrity,” ani Duterte.

Ginawa ng mambabatas ang nasabing panukala sa gitna ng mga alegasyon na gumagamit ng ilegal na droga, partikular na ang cocaine si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Maging ang mga appointed officials sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng mga miyembro ng Gabinete ay kailangan din aniyang dumaan sa regular na drug test upang masiguro na walang nalululong sa ilegal na droga sa gobyerno.

“The Constitution also reiterates that the state shall maintain honesty and integrity in the public service, highlighting the importance of accountability of public officers and employees, with high regard to the service equipped with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency, actions toward patriotism and justice, and lives with modesty,” paliwanag pa ni Duterte.

Upang masiguro na hindi nagdodroga ang pangulo at lahat ng mga nahalal na opisyales ng gobyerno ay kailangang dumaan ang mga ito sa dalawang uri ng drug test tulad ng “hair follicle drug test” at kapag nagpositibo ay dadaan ito sa confirmatory test sa pamamagitan ng urine drug test.

Maaaring isagawa ang drug test sa lahat ng government forensic laboratories o anumang drug testing laboratories na accredited ng Department of Health (DOH).

Ipinagkibit balikat naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang nasabing panukala dahil taktika lang umano ito ng mga Duterte upang ilihis sa isyu sa war on drugs na iniimbestigahan ng Kongreso at maging ang International Criminal Court (ICC).

“Yan lagi ang distractions nila eh. Kapag naiipit sila lalo na’t nandyan ang ICC para tumulong sa Pilipinas para mabigyan ng hustisya yung mga maraming namatay. Distractions nila ito…kung hindi man red tagging ay pagha-hype-up na naman sa kanilang hindi umuubra na approach dun sa drug problem,” ani Manuel.

77

Related posts

Leave a Comment