PDEA: MAG-INGAT SA PARTY DRUGS

party

(NI CARL REFORSADO)

PINAG-IINGAT ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Central Visayas Region ang mga kabataang party goers sa mga iniinom nila sa mga pinupuntahang bars o mga public parties upang hindi mabiktima ng mga kumakalat na mga party drugs na maari nilang ikamatay.

“Dapat careful sila sa kung ano ang iniinom nila sa mga bars. Pag may na-notice sila na suspicious activities, i-report nila agad sa police para marespondehan,” pahayag ni Atty. Wardley Getalla, PDEA 7 director.

Ayon pa kay Atty. Getalla, may mga impormasyon sila na mayroong  mga bagong klase ng party drugs na pumasok sa bansa kabilang ang isang tinatawag na “strawberry meth”, na ayon sa director ay nagmula sa Amerika, na kadalasang ibinibigay sa mga kabataan at hindi namamalayan na ito ay iligal an droga.

Dagdag pa ng opisyal, hindi mo aakalaing may halong malakas na iligal na droga ang iyong iniinom dahil ito ay inihahalo sa mga juice na kadalasan ay strawberry juice upang madali itong maibigay sa mga biktima sa mga party.

Ang babala ng PDEA 7 ay matapos ang naganap na pagkamatay ni Ashley Avila Abad, 19, matapos itong bigla na lang mag-collapse matapos makainom ng juice na may halong party drugs sa isang concert ng Plus63 sa Cebu Business Park noong Sabado, Enero 19.

Nakuha pang isugod sa Perpetual Succor Hospital ang biktima subalit nasawi din ito makalipas ang ilang oras at base sa resulta ng doctor ay overdose sa iligal na gamot ang ikinamatay ng dalaga.

Ayon pa kay Atty. Getalla, ngayon ay hindi na uso ang pagpapakalat ng pure form ng ecstasy kundi nagsasagawa na din ng mga eksperimento ang mga drug dealer kung paano ito ihalo sa ibat ibang klase ng inumin.

“Iba-iba yan kasi. May iba diyan na minimix nila para may different effect. May mga ecstasy na nakakaincrease ng sexual activity, depende sa ginamit na metamphetamine,” saad nito.

Paliwanag pa ng opisyal na  ang mga hindi gumagamit ng iligal na droga na bigla na lang makakatikim nito ay mataas umano ang tsansang mamatay sa overdose katulad na lang ng nangyari kay Abad, dahil ang kanilang katawan ay hindi pa nakakaranas ng ganoong klase ng iligal na droga na kanilang ikinamamatay.

Ilan sa mga indikasyon ng overdose ng paggamit ng iligal na droga ay ang biglang pagtaas ng heart rate at pagtaas ng blood pressure na kadalasang nauuwi sa cardiac arrest.

“Dapat talaga mag-ingat sila kapag pumupunta sila sa mga bars kasi hindi talaga natin alam kung kailan tayo magiging biktima. Iwasan nalang natin tumanggap ng kahit anong inumin o pagkain sa mga di natin kilala o kaya sa mga taong alam natin na gugmagit ng droga,” payo ni Atty.Getalla.

 

 

7

Related posts

Leave a Comment