(NI BERNARD TAGUINOD)
WALANG inilaang pondo sa ilalim ng 2019 national budget para sa pagpapatayo ng mga Bahay Pag-asa sa bawat probinsya na paglalagakan ng mga batang nagkakasala sa batas.
Ito ang nabatid kay Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao sa gitna ng pagpapatibay sa House Bill 8858 na nagbaba sa minimum age of criminal responsibility (MACR) sa 12-nyos mula sa kasalukuyang 15 anyos.
“Saan kukunin ang pondo na pagpapatayo ng mga Bahay Pag-asa eh walang pondo na nakalagay sa 2019 national budget para dyan,” ani Casilao.
Sakaling maging batas, ay magsisisiksikan sa iilang Bahay Pag-asa na pinatatakbo ng mga Local Government Units (LGUs).
Sa ilalim ng nasabing panukala, magtatayo ng mga Bahay Pag-asa sa bawat probinsya subalit hindi na ang mga LGUs ang mangangasiwa dito kundi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na.
Maliban dito, magtatayo ng farm ang gobyerno sa bawat rehiyon o tig-isa sa Luzon, Visayas at Mindanao kung saan ilalagay ang mga batang nasentensyahan sa krimeng nagawa hanggang umabot ang mga ito sa edad 25-anyos.
Gayunpaman, maging ito ay wala umanong pondo kaya sakaling maging batas ngayon taon ang nasabing panukala ay isiksik ang mga batang nagkasala sa batas na sumasailalim ng rehabilitasyon, sa iilang Bahay Pag-asa na pinapatakbo ng LGUs.
Ganito din ang kinatatakutan ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza kaya mahahalintulad umano ang mga Bahay Pag-asa sa mga city at municipal jail sobra na ang siksikan dahil sa dami ng mga nakakulong.
“Baka matulad yan sa Manila City Jail na 1,200 lang ang capacity pero mahigit 6,000 ang nakakulong,” ani Atienza na isa sa mga tumututol sa nasabing panukala.
237