SINOPLA ng Makabayan bloc ang hirit ni Davao-based businessman Dennis Uy na ipasok sa sovereign guarantee ang bilyon-bilyong pisong uutangin niya para sa kanyang lumalawak pang negosyo.
Ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, hindi na nakapagtataka ang ginawang ‘buying spree’ ni Uy sa ilang malalaking kumpanya mula noong 2017 hanggang 2019 dahil inaasahan nito ang backing ng administrasyong Duterte.
Subalit ang paggagarantiya pa ng gobyerno sa mga utang nito ay malinaw aniyang pansariling interes na dapat tutulan ng taumbayan, lalo na ng Kongreso.
Sa isang disclosure ng kompanya ni Uy na Chelsea Logistics and Infrastructure Corp. ay hinihingi nito ang garantiya ng Philippine Guarantee Corp.(PhilGuarantee) para sa bagong loans nito sa mga nominated bank at financial institution.
Sa oras na pagbigyan ng gobyerno ang aplikasyon ni Uy ay magkakaroon ng mandato ang PhilGuarantee na bayaran ang 90% ng loan amount kung magkaroon ng default o hindi makabayad si Uy.
Bunga nito, binantaan ni Colmenares ang PhilGuarantee sa pagbibigay ng sovereign guarantee kay Uy at sa iba pang malalaking negosyo at hinamon din ang ahensiya na ilabas ang listahan ng mga negosyong binigyan ng guarantee sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“We warn Philguarantee against giving sovereign guarantee to big businesses at the expense of farmers, SMEs and public housing who need these funds the most. Additionally, we demand Philguarantee not to give guarantees on the basis of the closeness of the applicant to Pres. Duterte instead of on the merits” ani Colmenares.
“If the reports that Chealsea Logistics is planning to ask for sovereign guarantee are true, Filipino taxpayers should not be made to pay for loans of big business, that could have been used by farmers, taxpayers must be informed where their tax money are spent,” giit pa ni Colmenares.
Hindi pa batid kung ang hinihinging state guarantee ni Uy ay para lamang sa mga bagong uutangin niya o maging ang mga nauna nang loans sa iba’t ibang institusyon ay kasama.
Hanggang Setyembre 2019, ang kumpanya ni Uy ay may kabuuang pagkakautang na P16-B na nakuha nito mula sa Development Bank of the Philippines, BDO Unibank, Amalgated Investment Bancorporation, Visayan Surety and Insurance Corp, Philippine National Bank at Beijing-based Bank of China dahil na rin sa ginawa nitong ‘buying spree’.
Ilan sa mga nabili ng Udenna Corp ni Uy sa nakalipas na tatlong taon ay 45 percent stake ng Chevron sa Malampaya gas field sa Palawan; ang Philippine Franchise ng international service food chain na Wendys, gayundin ang Conti’s Restaurant; Philippine Franchise ng Family Mart; ang kumpanya ni Uy na Motorstrada Inc. na nakuha rin ang exclusive general distributor ng Ferrari Sports Car, parts and accessories sa Pilipinas.
Nabili rin nito ang SuperCat Fast Ferry Corp, ang subsidiary ng 2GO kung saan si Uy ang Chairman of the Board; at ang BGC-based na Enderun Colleges.
Si Uy rin ang nasa likod ng development ng Clark Global City, ng third telco na Dito Telecommunity at $300M casino complex sa Cebu City.
Sa isang artikulo, sinabi ni Rachelle Cruz, analyst sa AP Securities, na ang pagiging malapit ni Uy kay Pangulong Duterte ang nagdala sa kanya sa kanyang kinaroroonan ngayon.
“His friendship with Duterte opened opportunities to enter into new business that he grabbed aggressively. Uy’s main challenge now is making these businesses work and turning Udenna into a holding that would last beyond Duterte,” paliwanag ni Cruz. SAKSI NGAYON NEWS TEAM
138