TULUYAN nang tutuldukan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang e-sabong kasunod ng rekomendasyon ni Interior Secretary Eduardo Año.
“The recommendation of Sec. Año is to do away with e-sabong,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, nitong Martes.
“And I agree with it, e-sabong will end by tonight…or bukas,” dagdag na pahayag nito.
Epektibo kahapon, Mayo 3, ang pagpapatigil sa operasyon ng e-sabong subalit isasapubliko pa lang ang mga pinal na detalye kaugnay dito.
Nauna rito, nagsagawa ng mahigpit na pagsusuri ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa bagay na ito.
Inatasan kasi ni Pangulong Duterte si Sec. Año na magsagawa ng survey sa industriya.
“Given its network within the local units, and gather feedback in both cities and provinces regarding its operations,” ayon sa Pangulo.
“The recommendation is on my table now, so ‘pag dating doon, basahin ko and maybe by Monday, malaman natin kung ituloy natin o hindi,” ang naging pahayag ng Pangulo nito lamang weekend nang magsagawa siya ng inspeksyon sa OFW Hospital sa Pampanga.
Sa nasabi ring event, sinabi ng Pangulo na dapat lamang ipagpatuloy ang operasyon ng e-sabong sa ilalim ng Philippine Amusement and
Gaming Corporation (PAGCOR), para sa isang ahensya na magkaroon ng centralized data ukol sa gaming operations.
“Sabi ko sa kanila it must be under PAGCOR. Lahat ng sugal dito sa Pilipinas PAGCOR kasi may control ako. Isang opisina lang tawagan ko kung meron ba nito o wala at anong nangyari dito, so I can have an answer without going to different offices to ask,” anito.
Pinaboran sa Senado
Kaugnay nito, pinaburan ni Senador Grace Poe ang pagpapatigil sa operasyon ng e-sabong kahit malugi ang pamahalaan ng P640 milyon kada buwan sa kitang buwis.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na mas mahalaga ang buhay at pamilya kaysa sa kikitain ng pamahalaan sa e-sabong na lubhang sumisira sa kahalagahan at kamalayan ng mamamayan na nalululong sa sugal.
“Sumasang-ayon tayo sa pagpapatigil ng e-sabong habang patuloy ang mga pag-aaral sa masamang epekto na dulot nito,” ani Poe.
“Buhay at pamilya ang lagi’t laging mas mahalaga. Sa utos ng Presidente, mauuna natin ang pagbibigay hustisya sa lahat ng mga nawala at naulila,” paliwanag pa ng senadora. (CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES)
135