PINAS NABAON SA P130-B UTANG

(BERNARD TAGUINOD)

HALOS isandaan at tatlumpung bilyong piso (P130 billion) ang inutang ng nakaraang administrasyon sa loob ng dalawa’t kalahating taon ng COVID-19 pandemic.

Ito ang lumabas sa oversight committee hearing ng House committee on appropriations kahapon kaugnay ng inutang ng gobyerno na ginamit umano sa paglaban sa pandemya mula 2020 hanggang June 2022.

Sa interpelasyon ni Iloilo Rep. Janette Garin, inamin ng Department of Health (DOH) na pinamumunuan ni Secretary Ted Herbosa na anim na beses umutang ang gobyerno partikular na sa Asian Development Bank at World Bank na umaabot sa $2.210 billion.

Ayon kay Garin, katumbas ito ng P129.3 billion sa kasalukuyang palitan na posibleng lumaki pa kapag humina pa ang piso kontra dolyar kaya pinagsusumite ng mambabatas ang DOH ng mga report kung saan-saan at paano ginamit ang pondong ito.

Nabatid din na may mga inutang ang nakaraang administrasyon na hindi na itinuloy o kinansela tulad ng $400 million na naging dahilan kaya nagbayad ang gobyerno ng mahigit P2 billion bilang penalty.

Kinastigo rin ni Garin ang DOH partikular ang administrasyon ni dating Secretary Francisco Duque dahil imbes tulungan ang mga biktima ng COVID-19 ay mistulang ang gobyerno pa ang nagsamantala sa mga ito.

Ito ay dahil umaabot sa P8,150 ang testing kit sa COVID-19 sa unang buwan ng pananalasa ng pandemya na malayong-malayo sa P2,000 na presyo sa mga karatig bansa sa Southeast Asian Nations.

“Inabuso ang taumbayan dahil may pandemic. Tinaga ang mga tao… Exorbitant ang presyo ng testing kit pero marami ang namatay,” ani Garin.

Ikinatwiran ng DOH ang kakulangan ng suplay kaya umano lumobo ang presyo ng testing kits.

Sinopla ito ni Garin dahil hindi umano sinunod ng DOH ang patakaran ng World Health Organizations (WHO) na hanggang P2,000 lamang ang presyo ng testing kit at sariling desisyon ng DOH ang P8,150 na presyo.

Ibinaba lang sa P2,022 ang presyo nito noong June 2022.

86

Related posts

Leave a Comment