(Ni NOEL ABUEL)
Ibinulgar ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na nasa P60 milyong pork umano ng bawat kongresista ang isiningit sa 2019 proposed national budget na inaprubahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Lacson na mayroon na siyang initial copy ng mga ginalaw ng mga kongresista na items sa panukala upang maisingit ang pork ng may 292 na mambabatas.
“Ang initial information, binigyan lahat ng congressman ng tig-P60 milyon. Inatado nila ang P51 billion na pinag-awayan nila na ang na-retain sa Public Works ay P30 o P31 bilyon,” pagbubunyag ni Lacson.
Maliban pa umano sa naturang item, may P4 bilyon pa na kinuha ang mga kongresista upang mabuo ang kinakailangang pondo para sa pork ng bawat mambabatas.
“Hindi ko lang alam na merong hindi nasali doon. Pero mukhang meron lahat kasi wala nagkuwestyon sa floor. Everybody happy,” wika pa ng senador.
Dahil dito ay malaking hamon sa Senado ngayon na hanapin kung saan isiningit ang mga pork ng mga kongresista.
Nakapagtataka umano na matapos maipasa ng Kamara sa 2nd reading ang panukalang budget ay nagkaroon pa ng small group discussions para sa pag-amyenda sa panukala gayung dapat ay diretso na itong ipapasa sa 3rd reading.
Inamin naman si Lacson na malabo na nilang maipasa sa Senado ang panukalang budget bago matapos ang taon dahil sa kakulangan na ng panahon kasabay ng paniniwalang hindi sinasadya ng mga kongresista na mabalam ng panukala dahil tiyak na maging sila ay hindi gugustuhin ang reenacted budget.
“Ayaw nila mare-enact kasi mawawala ang pork nila. Kasi walang bagong items, naabala lang dahil nag-insert sila ng kani-kanila. ‘Yung P60 million, I supposed standard ‘yun pero malamang ay mapapalad diyan na nadagdagan pa,” diin ni Lacson.
247