(Ni NOEL ABUEL)
Hindi na dapat pang pansinin ng pamahalaan si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison sa mga pahayag nito.
Ito ang igniit ni Senador Panfilo Lacson kung saan hindi na rin umano dapat pang pakinggan ang lider ng nasabing rebeldeng grupo.
Binigyang-diin ni Lacson na si Sison ay kasama na lamang ng rebeldeng grupo sa umano’y hatian sa nakokolektang extortion money subalit wala nang kontrol sa New People’s Army (NPA).
Ang pahayag ni Lacson ay kasunod ng pagpuna ni Sison sa mga kasunduan na nilagdaan ng Pilipinas at China.
Ipinaliwanag ng senador na sa lahat naman ng administrasyon ay nakakontra si Sison dahil ang layunin lamang nito ay pabagsakin ang kasalukuyang gobyerno.
“Ako ang attitude ko, wag na siya (Sison) pakinggan kasi out of touch naman siya. Wala na siya control sa ground. Kasama lang siya sa partehan ‘pag may extortion. Doon lang s’ya kasali. Pinapadala sa kanya parte n’ya pero sa pakikipaglaban andun lang naman sya, masarap ang buhay nya,” paliwanag nito.
Iginiit ni Lacson na dapat munang pagkatiwalaan ang gobyerno sa mga kasunduan na pinasok sa China subalit dapat din umanong maging mapagbantay.
Nilinaw naman ng senador na ang kanyang pagkakaalam ay memorandum of understanding pa lang ang nilagdaan nina Pangulong Rodrigo Duterte at President Xi Jinping.
Aniya ang MOU ay pagkakaunawaan pa lamang sila sa mga proyekto o anumang usapin na pagkakasunduan nilang ipatupad.
“Ang MOU, convergence lang ito ng desire na mag-usap, so napaka-preliminary, hindi naman ibig sabihin pag pumirma ka ng MOU meron na kasunduan,” diin ni Lacson.
Kinumpirma rin ng senador na nagpadala na ng kopya si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin ng mga deals na nilagdaan ng dalawang Pangulo kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III at posibleng ibahagi niya ito sa mga senador ngayong araw na ito (Lunes).
“Kaya nga pinadala na ni Secretary Locsin ang kopya kay Senate President Sotto. Wala pa naman ginagawa na ikinukubli. Kaya lang hindi alam ng mga pumupuna kaya nakakapagsalita sila, pero ang sa akin tignan muna natin ang laman,” dagdag ng mambabatas.
321