(BERNARD TAGUINOD)
INAKUSAHAN ni Police LtCol. Jovie Espenido ang Philippine National Police (PNP) na “Biggest Crime Group” dahil ilan sa mga ito ang sangkot sa droga at front lamang umano ang mga drug lord.
Binanggit ito ni Espenido sa kanyang pagharap sa ikatlong pagdinig ng Quad Committee sa Kamara hinggil sa koneksyon ng POGO, Illegal Drug Trade at Extra-judicial killings (EJK).
“In my experience, I can say that the PNP is the biggest crime group in the country,” ayon sa affidavit ng police official.
“Police elements help them set-up their drug operations. They are the frontmen labeled as drugs lords. When Duterte became President, this RDs (Regional Directors), PD (Provincial Directors) pointed to their own bagmen when ask police personnel involved in illegal drugs,” ayon pa sa affidavit ni Espenido na binasa ni Pasig City Rep. Roman Romulo.
Sinabi ni Romulo na kung pagbabasehan ang affidavit ni Espenido, ang susi sa problema sa ilegal na droga sa bansa ay paghabol at pagpapanagot sa mga PNP personnel na protektor ng drug lords bagama’t iilan lamang umano ito at hindi ang buong organisasyon.
Bong Go Sabit Sa Reward System
Sa unang pagkakataon, idinetalye ang papel ni Sen. Bong Go sa reward system sa bawat mapapatay ng mga pulis sa kanilang war on drugs gamit ang perang nakukuha umano mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Kabilang ito sa mga ibinahagi kahapon ni Espenido sa ikatlong pagdinig ng Quad-Committee.
Bukod aniya sa POGO, galing din sa Small Time Lottery (STL) operators at intelligence funds ang reward money.
Natanong ni PBA party-list Rep. Margarita Nograles si Espenido dahil nakalagay sa affidavit nito na ang nagpopondo sa reward system at maging sa anti-illegal drugs campaign ay ang POGO na dumadaan kay Go.
“Dito sa POGO, nakasulat din sa affidavit nyo na ang pumopondo din sa reward system nyo ay galing sa POGO,” ani Nograles na sinabi ni Espenido ng…”yun ang narinig ko kay Mayor (David) Navarro”.
Ginawa ni Nograles ang tanong dahil nakasaad sa paragraph 40 sa affidavit ni Espenido na “after this POGOs were able to registered with government, funding funneled downward from the level of Bong Go”.
Nakuha rin umano nito ang impormasyon kay Navarro na kasama sa drug watchlist ni dating Pangulong Rodrigo Duterte subalit tinawagan umano siya nina dating Philippine National Police (PNP) Chief at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Go para atasan na huwag galawin ang nasabing alkalde.
“Huwag mo nang galawin si Mayor Navarro kasi cleared na ‘yan. Wala na ‘yun,” banggit umano ng dalawa kay Espenido.
Noong October 2019, nasangkot sa isang gulo sa Cebu City si Navarro subalit habang dinadala ito ng mga pulis sa prosecutors office ay pinatay ito ng mga nakamaskarang armado at hanggang ngayon ay hindi pa kilala ang mga pumatay rito.
Kinumpirma rin ni Espenido na si Navarro ang nagbigay ng impormasyon sa kanya na ginagamit ang perang nakokolekta sa mga STL operators at gambling lords sa reward system.
“Lahat ng illegal gambling na natanggap yun ang gagamitin para sa reward at saka sa ilegal drugs na tatrabahuhin,” dagdag pa ni Espenido na naka-floating ngayon dahil sa susunod na tatlong buwan ay magreretiro na siya sa serbisyo.
Naniniwala rin si Espenido na kaya siya isinama sa drug list dahil nabuwag niya ang Parojinog at Kerwin Espinosa drug group gayung inutos umano ito sa kanya ni Dela Rosa na personal na pumili sa kanya para “eliminate” ang mga nabanggit na grupo.
Habang isinusulat ito ay nagpapatuloy ang pagdinig at nakatakdang humarap sa executive session si Espenido para isiwalat ang lahat ng mga sangkot sa ilegal na droga sa bansa.
64