(NI NICK ECHEVARRIA)
INAMIN ni Philippine National Police spokesperson S/Supt. Bernard Banac na wala pang matibay na basehan ang gobyerno para sampahan ng kasong kriminal ang mga politikong nasa narcolist na isinapubliko ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ni Banac ang pag-amin makaraang ireklamo ng administrative case ng Department of Interior and Local government (DILG) ang 46 na mga politiko bago pa man pangalanan ng Presidente.
Sa kasalukuyan ay nangangalap pa rin ng matitibay na ebidensya ang PNP na magdidiin sa pagkakadawit ng mga tinaguriang narco politicians sa ilegal na operasyon ng droga sa bansa para sa kasong Kriminal.
Gayunman, ibinunyag ni Banac na marami pang mga pangalan ang ilalabas sa mga susunod na araw, kabilang ang 82 na hindi pa pinapangalanan ng pangulo subalit kasama aniya sa listahan.
Samantala, ibabase naman ng PNP ang kanilang susunod na aksyon sa magiging resulta ng gagawing imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay sa isinampang reklamo laban sa mga narco politicians.
177