POBRE WALANG MAHIHITA SA MAHARLIKA FUND

WALANG pakinabang ang mga ordinaryong mamamayan sa Maharlika Wealth Fund (MWF) na nais itatag ng Kongreso upang magkaroon ng pondo ang gobyerno na itataya o iinvest sa mga negosyo na magpapalago sa puhunan nito.

Pahayag ito ni dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao na kabilang sa mga tumututol sa nasabing panukala lalo na’t kukunin sa ipon ng mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor ang ipupuhunan sa mga papasuking negosyo ng gobyerno.

“Malinaw para sa aming mga mahihirap na sektor tulad ng magsasaka, mangingisda, at manggagawa ang layunin at oryentasyon ng ‘Maharlika Funds’ — hindi para sa anakpawis,” ani Casilao.

Maging ang grupo ng public school teachers ay tutol sa MWF lalo na’t sa kanilang ipon sa Government Service Insurance System (GSIS) kukunin ang malaking bahagi ng pondo.

“Hands off our pension funds!” sigaw ng Alliance of Concerned Teachers of the Philippines.

Sa P275 Billion inisyal na pondo ng MWF ay P125 billion ang kukunin sa GSIS.

“How dare them even think of dipping their fingers in our hard-earned pension funds? For most of our productive years, working people live off on scant wages further deducted with pension funds, hoping that we will not go hungry upon retirement,” ayon pa kay Ruby Bernardo, ACT NCR Union President.

Sinabi ni Bernardo na ang mga public school teacher ang may pinakamalaking kontribusyon sa GSIS at tutol umano ang mga ito na gamitin ang kanilang pera para pondohan ang MWF.

Maging si Bayan Muna chairman Neri Colmenares ay duda sa MWF dahil wala umanong malinaw na safeguard para maproteksyunan ang pera ng taumbayan lalo na’t hindi pa naipapasa ang panukalang batas ukol sa freedom of information (FOI) bill.

“Its records are also not accessible to the public as the bill itself admits that records can only be accessed upon approval of the board. MWF is again exempted from freedom of information scrutiny,” ani Colmenares.

Subalit ayon kay Albay Rep. Joey Salceda na pangunahing nagdedepensa sa MWF, maraming probisyon sa bagong bersyon ng panukala para proteksyonan ang pera ng mamamayan.

“All transactions of the MWFC shall abide by the arm’s length principle and the prudent person rule. This ensures that the Fund does not take positions that disadvantage it,” ani Salceda bukod sa hindi lamang ang Pangulo ng Pilipinas ang magpapasya at magpapatakbo sa investment kundi ang buong 15-man board.

Samantala, sa Christmas Tree Lighting activity noong Lunes ng gabi sa Batasan Pambansa Complex, kinumpirma ni House Speaker Martin Romualdez na walang “item” sa 2023 national budget ang inilagay sa FLR o for later releases.

Kaya may dahilan aniya ang mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso na magsaya dahil hindi na maiipit ang pondo ng kanilang mga proyekto sa kani-kanilang distrito.

Kasabay nito, agad niratipikahan ng Kamara ang Bicameral conference committee report sa pambansang pondo na nagkakahalaga ng P5.268 trilyon. Iiimprenta na ito bago ibigay sa office of the President para sa lagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Romualdez, mismong si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang nagsabi na wala nang FLRs sa susunod na taon. (BERNARD TAGUINOD)

572

Related posts

Leave a Comment