(Ni NOEL ABUEL)
NAGBANTA si Senador Grace Poe na dudulog ito sa korte sakaling magmatigas si Presidential Adviser Ramon Jacinto sa imbitasyon ng Senado para sa isinusulong nitong common tower policy.
“Talagang tututulan ko ‘yan at saka hindi ko lang basta-bastang tututulan dahil kung saka-sakaling hindi nila tayo pinakinggan, kasi alam niyo naman ganyan ‘pag humaharap sa Senado ang gaganda ng sinasabi pero hindi naman nila tinutuloy, kaya magpa-file tayo ng kaso kasi kailangan talagang pigilan ang mga ganitong uri ng mga polisiya na sa tingin ko ay makakasama sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Poe.
Nanindigan si Poe sa pagtutol nito sa nasabing polisiya sa pagsasabing counterproductive ito sa isinusulong ng pamahalaan na pahusayin ang telecommunications infrastructure sa bansa.
Sa ilalim ng draft memorandum circular na inilabas ni Jacinto, adviser on economic affairs and information technology communications, dalawang independent tower companies lamang ang maaaring irehistro sa National Telecommunications Commission (NTC) sa loob ng apat na taon ng implementasyon ng naturang polisiya.
Giit ni Poe na panahon nang isulong at isaayos ang infrastructure para mapahusay ang internet at cellular phone signals sa buong bansa.
“Kung napapansin ninyo, masama ang signal ng telepono natin, mabagal ang internet natin, maraming problema sa ating cellphone. Alam mo, malaking dahilan din diyan ay kulang tayo ng mga cellular towers, parang antenna lang ‘yan ng bahay, pero ito dapat sa iba’t ibang parte ng ating bansa,” aniya pa.
279