POLITICAL PROVISIONS ISISINGIT SA ECO CHA-CHA

HINDI isinasantabi ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na sisingitan ng political provisions pagdating sa plenaryo ang economic Cha-cha o Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 na pinagtibay na sa committee level.

Sa press conference, hiniling ni ACT party-list Rep. France Castro sa taumbayan na samahan silang magbantay dahil maraming pwedeng mangyari kapag inakyat na sa plenaryo ang nasabing resolusyon.

“Nangangamba kami na baka mag-float o maamyenda yung committee report during the second reading. Alam naman natin na may mga kongresista na nagsasabing ‘bakit tatlo (provisions) lang (ang aamyendahan),” ani Castro.

Dahil dito, maaaring may mga mambabatas aniya na magpasok ng mga amendment bukod sa mga economic provision tulad ng political provisions pagdating sa period of amendments sa nasabing panukala bago pagtibayin sa ikalawang pagbasa.

“So nangangamba kami na magkakaroon ng panibagong mga amyenda sa ibang economic provisions at pangalawa sa political provisions so hindi natin alam kung anong mangyayari kasi everything goes naman eh,” dagdag pa ng mambabatas.

Wala aniyang ipinagkaiba ang eco Cha-cha sa ibang panukalang batas na laging iniiba ang nilalaman ng committee report pagdating sa plenaryo kung saan pinapayagan ang mga miyembro ng kapulungan na magpasok ng kanyang amendments.

Samantala, naniniwala si Albay Rep. Edcel Lagman na hindi makakapasa sa Korte Suprema ang RBH No. 7 dahil hindi ito kasama sa tatlong paraan sa pag-amyenda sa Saligang Batas.

Ayon kay Lagman, ang ipinasang RBH No.7 ay maituturing na fourth mode sa pag-amyenda sa Saligang Batas gayung malinaw sa Konstitusyon na tatlong paraan lamang ang pwedeng gamitin tulad ng Constituent Assembly (ConAss), Constitutional Convention (ConCon) at People’s Initiative (PI).

“Resolution of Both Houses No. 7 virtually provides for a fourth mode of amending the Constitution by ordinary legislation without amending Article XVII of the Constitution on amendment and revision of the Constitution and without amending Section 19 of Article II of developing a national economy effectively controlled by Filipinos,” ani Lagman.

Inayunan naman ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaya maaaring kuwestiyonin ito sa Korte Suprema.

(BERNARD TAGUINOD)

66

Related posts

Leave a Comment