(NI BERNARD TAGUINOD)
SA gitna ng mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth), binubuhusan pa rin ito ng pondo sa ilalim ng 2020 national budget habang kinaltasan naman ang budget ng mga public hospital tulad ng Philippine General Hospital (PGH).
Ito ang inirereklamo ng mga militanteng mambabatas matapos matuklasan sa plenary debate sa pondo ng Department of Health (DOH) na malaking bahagi sa kanilang P155 Billion sa 2020 ay mapupunta lang sa Philhealth.
Sa press conference ng Makabayan bloc sa Kamara nitong Biyernes, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na P67.3 Billion sa 2020 budget ng DOH ay ibibibigay sa Philhealth.
“Yung batbat ng katiwalian na Philhealth, siya naman ang may pinakamalaking budget habang paliit ng paliit naman ang budget ng mga public hospital na direktang nangangailangan nito (budget),” ani Gaite.
Inihalimbawa ni Gaite ang pondo ng PGH na binigyan lamang ng P2.77 Billion sa 2020 na mas mababa ng 14.11% sa kanilang pondo ngayong 2019 gayong ito umano ang dapat buhusan ng pondo dahil sila ang direktang pinupuntahan ng mga mahihirap na pasyente.
Nabatid na humingi ang PGH ng P4.5 Billion na pondo sa 2020 para maibigay ang nararapat na serbisyo sa mga tao at pambili ng mga kagamitan subalit binigyan lamang sila ng Department of Budget and Management (DBM) ng P3.2 Billion.
Maliban dito, dismayado rin si Gaite na napakaliit ang utilitization o ang ginagastos na insurance funds ng Philhealth matapos lumabas sa debate sa plenaryo sa pambansang pondo na umaabot lamang ito sa 11%.
“Inamin ng Philhealth na napakaliit ang utilization rate. Nasa 10 to 11% lamang. Anong ibig sabihin niyan? Ang pondo ng Philhealth ay naiipon lamang,” ani Gaite.
“Kaya nga siguro natatakam yung mga tiwali dito kasi pinagpipiyestahan nila ang pondo ng Philhealth,” dagdag pa ng kongresista.
147