PORK BARREL SYSTEM ‘PATATABAIN’ PA NG KAMARA

LALONG magiging mataba ang pork barrel system sa bansa dahil sa ipinasang panukalang batas sa Kamara na oobligahin ang mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na pondohan ang mga proyekto ng gobyerno na nakalista sa unprogrammed appropriations (UA).

Sa botong 229 pabor at 4 na kontra, tuluyang pinagtibay ang House Bill (HB) 9513 na inakda at ipinasa mismo ni House committee on ways and means chairman Rep. Joey Salceda ng Albay, na nag-aamyenda sa Republic Act (RA) 11936 o 2023 general appropriations act.

“This move has potential implications on social services and programs, and will likely only serve to expand the pork barrel system,” paliwanag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa kanyang No vote sa nasabing panukala.

Ngayon taon ay P807 billion ang halaga ng proyekto na nasa ilalim ng unprogrammed funds na ayon kay Brosas ay pinakamalaki na annual Unprogrammed Appropriations (UA) ng bansa subalit hindi maipatupad ang mga ito dahil sa kawalan ng ‘sobrang’ pondo.

Sa ilalim ng tinatawag na unprogrammed appropriations, matutuloy lamang ang mga proyektong ito kung may sobrang budget o sobrang buwis na makokolekta ang gobyerno.

“The proposal to source funds from excess GOCC revenues raises concerns about the direction of GOCCs and the potential intensification of profit-based fund sourcing at the expense of social services and the welfare of ordinary Filipinos,” ayon pa kay Brosas.

Pero ang higit na kinatatakutan ng mambabatas ay posibleng maging daan ito para lumawak pa ang sistema ng pork barrel dahil maaaring kunin kung saan-saan ang pondo para sa pet project ng gobyerno at kanilang mga kaalyado.

(BERNARD TAGUINOD)

88

Related posts

Leave a Comment