ANG KATOTOHANAN SA PAMUMULITIKA LABAN SA MERALCO

MY POINT OF BREW ni JERA SISON

NATATANDAAN pa ba ninyo ang sikat na karakter na si Tongressman Manhik Manaog? Siya ay isang personalidad na ginawa ng isang magaling na aktor at komedyante na si Leo Martinez.

Malinaw ang mensahe ni Ginoong Martinez. Inilalarawan niya ang imahe ng ilan sa ating mga politiko kung gaano nila kayang baliktarin ang katotohanan at kung paano sila makapagnakaw sa kaban ng bayan na tila ito ay isang laro-laro lamang.

Nabanggit ko lamang ito dahil may ilang beses na insidente kung saan gumulong ang galamay ng mga namumulitikong mambabatas na naging instrumento sa paghahasik ng lakas ng gobyerno laban sa malalaking negosyante sa ating bayan.

Tulad ng nangyari sa prangkisa ng ABS-CBN. Malinaw pa sa sikat ng araw ang dahilan kung bakit nawala sa kanila ang kanilang prangkisa. Ipinakita ang lakas ng impluwensya ni dating Pangulong Duterte sa kongreso upang masiguro na hindi mabibigay muli ang prangkisa ng ABS-CBN sa pamilya ng mga Lopez.

Hindi ko ipinagtatanggol dito ang ABS-CBN. Sumabak din naman sa politiko ang ABS-CBN sa pamamagitan sa pagsuporta ng ilan sa kanilang mga personalidad na naging kongresman, senador at bise presidente. Alam din naman natin kung gaano kalapit ang pamilya Lopez sa pamilya ng mga Aquino kung saan nagkaroon tayo ng mag-ina na presidente ng Pilipinas. Ito ay sina Cory at Noynoy Aquino.

Ganyan talaga yata ang kalakaran ng politiko sa ating bansa. Tulad noong panahon ni Pangulong Erap Estrada, ilan sa mga nakapuwesto sa gobyerno ay mga kapwa niya artista. Dito nga naging pamoso ang salita na ‘weather, weather lang’, nang tinanong ang isang opisyal ng gobyerno kung bakit siya itinalaga doon na wala naman siyang sapat na karanasan at kwalipikasyon sa kanyang puwesto. Pulitika nga naman sa Pilipinas. Haaay.

Kaya naman ako ay napapa-iling na naman sa panibagong pambu-bully ng Kongreso sa Meralco.

Napapa-isip ako kung bakit biglang tila umuusok ang ilong ni Sta. Rosa City Lone District Representative Dan Fernandez laban sa Meralco. Nagbigay siya kamakailan ng privilege speech laban sa Meralco na tila ipinapalabas niya na napaka demonyo at mapagsamantala ang Meralco sa kanilang mga customer.

Inilalarawan din ng dating sumabak sa pag-aartista na masyadong malakas umano ang Meralco sa gobyerno na kayang-kaya nilang manipulahin at diktahan ang Department of Energy (DoE) at ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga kontratang ipinapa-bid ng Meralco sa mga tinatawag nilang power supply agreement (PSA) sa mga generation companies o mga may-ari ng mga planta ng kuryente.

Aba? Ano akala ng ating magiting na mambabatas? Para ba itong mga SOP ng mga kontrata sa mga kontratistang gumagawa ng basketball court, barangay hall, at pag-aaspalto ng kalye at nagkaka-kuntyabahan ang mga lokal na opisyal sa mga kontratista? Ganyan lang bang kasimple ang pag-bid sa mga PSA ng Meralco?! Hindi po ganyan kasimple.

Madaling magparatang kung kulang sa kaalaman ang isang tao sa nangyayari sa industriya ng enerhiya. Ang mga kontrata ng Meralco ay tinatawag nilang ‘long term’. Ito ay upang maprotektahan ang kanilang mga customer ng posibleng mataas na presyo ng kuryente sa mga susunod na taon.

Halimbawa, ang sinasabing bidding ng 1,800 megawatt ng Meralco ay upang masiguro na ang susunod na presyo ng supply ng kuryente ay nakuha sa pinakamababang halaga. Kung ipatitigil ito ng ilang kongresista dahil lamang sa kathang-isip o maling paratang na may pinapaboran daw ito, made-delay ang pag-kontrata ng supply ng kuryente at mapipilitan ang Meralco na bumili ng mas mataas na presyo ng kuryente sa wholesale electricity spot market o WESM kung nais mong makakuha ng mabilis na supply ng kuryente.

May panukala pa si Rep. Fernandez na dapat daw buwagin ang prangkisa ng Meralco dahil daw sa kabiguan ng ERC na i-recompute ang tinatawag na weighted average cost of capital o WACC. Ha?!

Ano kinalaman ng Meralco dito? Hindi ba dapat ERC ang sisihin dito? Tumatalima lamang ang Meralco sa mga kautusan ng ERC. Dapat ay tinutukan ng ERC ang Meralco upang magsumite ng mga kinakailangan datos para magkaroon ng regular computation ng WACC. Kapag sinuway ito ng Meralco, malinaw na sila ang may kasalanan. Subalit sa sitwasyon na ito, wala silang nakuhang kautusan mula sa ERC.

Heto ang malaking tanong. Eh bakit ayaw dutdutin ni Rep. Fernandez o sinomang kongresista ang pamamalakad ng mga electric cooperatives (EC) sa ibang parte ng Pilipinas? Bakit Meralco lang ang pinupuntirya?

Alam ba ninyo kung gaanong winawalanghiya ang mga kapwa mamamayan natin sa mga ibang probinsya ng kanilang electric cooperatives? Masyadong mataas ang singil sa kuryente at madalas nagkaka-brownout pa dahil hindi na sila sinusuplayan ng kuryente ng generation companies dahil hindi sila nagbabayad. May narinig ba tayo dito sa Kongreso? May nagtanong ba kung karamihan ng electric cooperatives ay nakapagsumite ng WACC ayon sa kautusan ng ERC?

Sa katunayan, diyan lamang sa bakuran ni Rep. Fernandez sa lalawigan ng Laguna, ilang bayan na sakop ng First Laguna Electric Cooperative o FLECO ay dismayado sa kanilang serbisyo at mataas na singil ng kuryente. Katunayan nagkaroon ng petisyon laban sa franchise renewal ng FLECO sa Kongreso mula sa mayors ng 10 sa 11 munisipalidad sa Laguna na sineserbisyuhan ng FLECO. Ito ay ang mga bayan ng Pakil, Cavinti, Fami, Kalayaan, Mabitac, Paete, Pagsanjan, Pangil, Siniloan at Sta. Maria.

May aksyon bang ginawa si Rep. Fernandez maski na maaaring sabihin niya na hindi niya constituents ang mga ito? Mga kababayan po ninyo sila. Taga Laguna din sila tulad po ninyo.

Nasaksihan ko ang pagdinig ng committee on energy noong nakaraang linggo. Kung makita ninyo si Rep. Fernandez kung magtanong at magbatikos sa mga opisyal ng Meralco, para bang nagmistulang eksperto na sa industriya ng enerhiya ang ating mambabatas maski na ilang araw lamang niya pinag-aralan ang nasabing isyu. Marahil ay mas magandang usisain natin ang tunay na dahilan kung bakit bigla-bigla na lamang pumuputok ang buchi ni Rep. Fernandez laban sa Meralco. Bakit kaya?! Abangan!!!

147

Related posts

Leave a Comment