Posibleng mga kasapi ng sindikato LIBONG DAYUHAN NAKAPASOK SA ‘9G NG IMMIGRATION

ITINUTURING ni Senador Risa Hontiveros na national security risk ang pagbibigay ng Bureau of Immigration ng mga work visa sa mga pekeng korporasyon, na nagpapahintulot na makapasok ang libu-libong dayuhan.

Ibinabala ni Hontiveros na posibleng mga sindikato at kriminal na ang mga nakapasok sa bansa bukod pa sa impormasyon na ang ganitong work visa rin ang ginagamit ng mga trabahador sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Kaya naman, welcome sa senadora ang atas ng Department of Justice (DOJ) sa BI na itigil ang pagtugon sa mga hiling na work visas ng mga pekeng kumpanya na magandang hakbang anya para masawata ang mga kababalaghan sa ahensya.

Ayon sa DOJ, nagbigay ang BI ng libu-libong pre-arranged employment visa, na tinatawag na 9G, sa mga dayuhan na umano’y nagtatrabaho sa mga pekeng lokal na korporasyon.

Muling iginiit ni Hontiveros ang pangangailangan ng malawakang paglilinis sa BI upang maalis sa ahensya ang mga tiwaling tauhan.

“Mag-aapat na taon na mula noong unang naisiwalat ang pastillas scam sa BI. Why does it seem like nothing has changed? Kailan pa ba tuluyang maaayos ang BI? Ilang Senate hearings pa ang kailangan? It is disappointing that the agency is front and center of this issue once again,” giit ni Hontiveros.

Nauna rito, iniutos ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na imbestigahan ng BI ang mga ulat hinggil sa pekeng korporasyon na nagawaran ng visa sa bansa.

Aminado si Remulla na noong nakaraang taon pa niya natanggap ang ulat hinggil dito kaya’t nais niya na maimbestigahan ng BI ang mga naprosesong visa sa nakalipas na limang taon.

Kinausap na rin ni Remulla si BI Commissioner Norman Tansingco para gawing prayoridad ang imbestigasyon at sa lalong madaling panahon ay makapagbigay sila ng full report hinggil sa nasabing usapin.

“As a matter of policy, I’m asking the BI not to grant anymore visas to sole proprietorships but only to corporations that have the stamp of approval of the SEC (Securities and Exchanges Commission),” pahayag pa ni Sec. Remulla.

Samantala, muling iginiit ni Remulla ang kanyang posisyon na payagan ang isang pribadong third party entity na kunin ang pag-iisyu ng visa sa Pilipinas tulad ng ginagawa sa ibang bansa.

(DANG SAMSON-GARCIA/JULIET PACOT)

55

Related posts

Leave a Comment