Napikon sa pagbati ni BBM sa Taiwan PILIPINAS ‘PLAYING WITH FIRE’ – CHINA

BINALAAN ng bansang Tsina ang Pilipinas na “not to play with fire” matapos batiin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Taiwan president-elect Lai Ching-te sa pagkapanalo nito sa katatapos lamang na halalan sa naturang bansa.

Kinumpirma ng Embahada ng China sa Pilipinas na ikinasama ng loob ng Chinese government ang ginawang pagbati ni Marcos Jr.

Sa ibinahaging pahayag ni Mao Ning, Chinese foreign ministry spokesperson ay kinumpirma nitong ipinatawag nila ang Philippine ambassador to China para pagpaliwanagin sa naging reaksyon ni Pangulong Marcos sa bagong presidente ng Taiwan.

“The relevant remarks of President Marcos constitute a serious violation of the One China principle and … a serious breach of the political commitments made by the Philippines to the Chinese side, and a gross interference in China’s internal affairs,” ayon kay Mao.

“We suggest that President Marcos read more books to properly understand the ins and outs of the Taiwan issue, so as to draw the right conclusions,” aniya pa rin.

Sa Maynila, tinuran ng tagapagsalita ng Chinese Embassy na, “China strongly opposes such remarks, and has made immediate and solemn démarches to the Philippines from both Beijing and Manila.”

“There is but one China in the world, Taiwan is an inalienable part of China’s territory, and the government of the People’s Republic of China is the sole legal government representing the whole of China,” ayon pa rin sa tagapagsalita.

Ang Pilipinas at Taiwan ay may magkaparehong interes na kinabibilangan ng kapakanan ng halos 200,000 OFWs sa naturang bansa.

Ang mensahe ni Pangulong Marcos na binabati ang bagong pangulo ay kanyang paraan ng pasasalamat sa kanilang pag-host sa mga OFW ng Pilipinas at pagdaraos ng matagumpay na demokratikong proseso. Gayunpaman, muling pinagtitibay ng Pilipinas ang One China Policy, ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Maging ang Senado ay tiniyak ang patuloy na pagtalima sa nasabing polisiya.

Tiniyak ni Senate committee on foreign relations Chairman Senator Imee Marcos na patuloy na sumusunod ang Senado at ang komite sa One China Policy.

Ang One China Policy ay nakapaloob sa Joint Communique’ na nilagdaan ng Pilipinas at China noong 1975.

(CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL RUIZ)

360

Related posts

Leave a Comment