NANAWAGAN si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na paghandaan ang posibleng paglobo ng mga kaso ng COVID-19 pagkatapos ng Pasko.
Ito’y kahit pa nananatili ang mga community quarantine, may karaoke ban at kinokonsiderang gagamitan ng yantok ang pagpapatupad ng health protocols.
Sinabi ni Marcos na ang malapyesta kasing espiritu ng pagdiriwang ng Pasko at “quarantine fatigue” ay posibleng magdulot ng mas mataas pang kaso ng impeksyon na kapansin-pansing nanatiling mataas nuong katapusan nitong Nobyembre partikular sa Metro Manila, Batangas, Iloilo City, Bacolod City, Tacloban City, Iligan City at Lanao del Sur.
“Tapusin na natin at ikasa kung anong sistema ng ‘contact-tracing’ ang dapat na ipatupad, anong contingency measures sa mga ospital kapag naging kritikal na ang level ng kaso ng virus, at anong mekanismo ang pwedeng ipatupad para makaagapay ang local government units, ” diin ni Marcos.
“Maaaring manatili ang public health emergency hanggang sa susunod na taon at mawawalan na ng bisa ang Bayanihan 2 kapag nag-adjourn na ang Kongreso sa susunod na Linggo,” punto ni Marcos.
Binigyang-diin ni Marcos ang kanyang panawagan sa Senate Bill 1921 na palawigin hanggang December 31, 2021 ang stand-by powers ng pangulo sa ilalim ng Bayanihan To Recover As One Act bilang tugon sa pandemya.
“Ngayong nagkasundo na ang bicam sa napakamasalimuot na national budget, mahalagang mapalawig pa ang Bayanihan 2,” giit ni Marcos.
Inihayag ni Marcos na ang P10 billion na inilaan para sa pagbili ng bakuna sa ilalim ng Bayanihan 2 ay magiging karagdagan sa limitadong P2.5 billion na panggugol para sa 2021 national badyet. (ESTONG REYES)
