(BERNARD TAGUINOD)
DUDA ang mga militanteng mambabatas na ibubuhos sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19 ang uutangin ng pamahalaan na P72 bilyon.
Nabatid na nangangamba ang mga nasabing mambabatas na posibleng gamitin lang ng gobyerno ang nasabing pondo sa susunod na eleksyon.
Sa virtual press conference ng Makabayan bloc, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, dahil lumpsum ang P72.5 billion ay nangangahulugan ito na walang direktang pagkukunan ng pondo kaya ang ending aniya nito ay uutang ang gobyerno para mapondohan ang COVID-19 vaccines.
“Almost the entire P72.5 billion COVID-19 vaccination program in the 2021 budget is in the form of lump sum, unprogrammed funds, the spending of which will be subject to President Duterte’s discretion,” ani Zarate.
“Worse, the funds will be sourced via loans from vaccine-manufacturing countries as admitted by Presidential spokesperson Harry Roque,” ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro.
Noong Miyerkoles ay niratipikahan na ng dalawang Kapulungan ang 2021 General Appropriations Act (GAA) na nagkakahalaga ng P4.506T kung saan P72.5 billion ang inilaan para sa pagbili ng bakuna.
Nangangamba rin si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na magagamit ang COVID-19 sa susunod na eleksyon sa tinagurian nilang “Vaccine Pork” upang masiguro na mananalo ang babasbasang kandidato ni Duterte sa 2022.
“This P72.5 billion is “Vaccine Pork” that is highly vulnerable to patronage, corruption and electioneering especially as it will be administered in the run-up to the 2022 elections,” ani Brosas.
Dahil dito, dapat bantayan umano ang mga pondong ito at huwag hayaan na gamitin ang bakuna ng sinomang mga politiko na itutulak ng administrasyon sa susunod na halalan.
Kahit utangin aniya ang pondong ito ay pera pa rin ito ng mga Pilipino dahil sila ang magbabayad kasama na ang interest mula sa kanilang buwis.
