Presyo ng bakuna malalaman ng publiko SA TAMANG PANAHON – ROQUE

TINIYAK ng Malakanyang na ipaaalam sa taumbayan ang tunay na presyo ng bakuna sa COVID-19 kapag naisapinal na ang kasunduan para sa gagawing pag-aangkat ng Pilipinas sa ibang bansa.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ito ang panahon na mabibigyan na ng buhay ang karapatan ng taumbayan na malaman ang buong detalye at impormasyon sa pinasok na

transaksyon ng pamahalaan.

May tamang panahon aniya para ipaalam sa taumbayan kung magkano talaga ang presyo ng bakuna na bibilhin ng Pilipinas sa iba’t ibang vaccine makers. Nakasaad aniya ito sa Saligang Batas ng Pilipinas.

Pero sa ngayon ani Sec. Roque, ongoing pa ang mga proseso ng pag-aangkat ng bakuna ng pamahalaan kung saan halos lahat aniya ng mga bansa ay nag-uunahan na makakuha ng suplay dahil sa kakulangan nito.

Aniya, ito ang dahilan kung bakit kinakagat na ng mayorya ng mga bansa sa mundo ang presyo na ibinibigay ng pharmaceutical companies.

Subalit, siniguro ni Sec. Roque, na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng paraan para mapababa ang presyo ng COVID-19 vaccine na bibilhin ng Pilipinas sa ibang bansa.

Dagdag pa ni Sec. Roque na pampublikong pera ang gagamitin sa pagbili ng bakuna kaya’t karapatan ng taumbayan na malaman ang tamang presyo nito.

Ngunit, iginiit nito na kung pagbabatayan naman ang desisyon ng hukuman sa kaso ng Chavez versus PCGG ay mayroong tamang panahon para sa karapatan na ito ng publiko.

Nakasaad aniya rito, na hanggat hindi pa nakukumpleto o natatapos ang Diplomatic negotiation, sakop pa ito ng executive privilege at dapat pa ring maprotektahan ang confidentiality ng isang kasunduan. (CHRISTIAN DALE)

73

Related posts

Leave a Comment