Para ‘bumango’ sa 2022 elections – Magalong COVID CASES DINADAYA NG LGUs

HABANG pinagdududahan ng ilang senador ang pambansang pamahalaan na ‘pinagkakakitaan’ ang bakunang galing sa Sinovac Biotech ng China ay kinakamada naman ng maraming alkalde ang numero ng kaso sa COVID-19 sa kani-kanilang nasasakupan bilang paghahanda sa halalang 2022.

Nagdududa si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na maraming namumuno sa local government units (LGUs) ang binabago ang numero ng mga residenteng tinamaan ng COVID-19 bilang paghahanda sa halalang 2022.

Ibinunyag ni Magalong sa online press briefing ng Department of Health (DOH), na maraming pinuno sa LGUs ang sinadya ang pagtatago ng totoong bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang nasasakupan dahil nalalapit na ang halalan.

Ani Magalong, sinadya ng mga lider na ‘pababain’ ang numero ng mga residenteng nasapul ng COVID-19 upang pabanguhin ang kanilang imahe at pangalan sa kani-kanilang nasasakupan.

Sabi ni Magalong, gustong palabasin sa publiko ng mga lider sa LGUs na ‘maayos’ at ‘epektibo’ ang pagkontrol nila sa COVID-19.

Dahil dito, hiniling ni Magalong sa Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF) na maglabas ito ng direktiba na nag-uutos sa LGUs na ihayag ang totoong numero o datos, hinggil sa kaso ng COVID-19 sa kanilang mga nasasakupan upang malutas nang tama ang suliranin at makita ang eksaktong bilang ng mga pasyente.

Si Magalong na retiradong heneral mula sa Philippne National Police (PNP) ay nanalong alkalde ng Baguio noong eleksyong 2019 at itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang “tracing czar” dahil sa epektibo at mahusay na tracing system na isinagawa ng kanyang administrasyon sa kanilang lungsod.

Si Senador Panfilo Lacson, ang nagbunyag na P16.8 bilyon ang kikitain sa 25 milyong doses ng bakunang gawa ng Sinovac.
Ito’y dahil napakamahal ng presyo ng bakunang Sinovac kumpara sa presyong inialok sa Indonesia at Thailand. (NELSON S. BADILLA)

76

Related posts

Leave a Comment