PRESYO NG BIGAS BUMABA NG 2%; PALAY BUMAGSAK NG 37%

(NI BERNARD TAGUINOD)

KUNG bumaba ng dalawang porsyento ang presyo ng bigas dahil sa Rice Tariffication Law, bumagsak naman ng 37% ang presyo ng palay simula nang ipatupad ang nasabing batas noong Marso.

Ito ang naisiwalat sa plenary debate sa budget ng Department of Agriculture (DA) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya talo umano saan mang anggulo ang mamamayan sa nasabing batas.

Sa interpelasyon ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat, inamin ng DA, sa pamamagitan ni Nueva Vizcaya Rep. Luisa Cuaresma, na umaabot lang sa 2% ang ibinaba ng presyo ng bigas.

Hindi masagot ni Cuaresma, ang nagtatanggol sa budget ng DA, sa tanong ni Cabatbat kung ilang porsyento naman ang ibinaba ng presyo ng palay simula nang ipatupad ang nasabing batas.

Gayunpaman, sinabi ni Cabatbat na bumagsak sa 37% ang presyo ng palay dahil mula sa P20 hanggang P22 kada kilos bago naipatupad ang batas ay naging P10 hanggang P12 na lamang ito ngayon.

May mga lugar pa aniya ang mas mababang ang bili sa mga palay dahil umaabot ito sa P7 kaya hindi umano napakinabangan, kapwa ng mga consumers at magsasaka ang nasabing batas.

“Luging lugi, hindi lang ang mga magsasaka natin kundi ang mga consumers,” anang mambabatas.

Sa ngayon ay ibinebenta umano ang mga imported rice sa presyong P32 pataas bawat kilo gayung ipinangako ng batas na P30 lang maibebenta ito kapag naipatupad na ang Rice Tariffication Law.

 

92

Related posts

Leave a Comment