(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T bumaba na sa 2.4% ang inflation rate noong Hulyo, nananatili pa rin ang presyo ng mga bilihin na naitala noong Setyembre 2018 kung saan naitala ang pinakamataas na inflation o paggalaw ng presyo na isinisisi sa Tax Refrain Acceleration (TRAIN) law.
Ito ang pahayag ni TUCP party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza
matapos maitala ang pinakamababang inflation rate noong Hulyo simula noong ipatupad ang TRAIN law noong Enero 2018.
“The inflation rate has been brought down to 2.4, but the prices of basic goods and commodities have not yet been restored to pre-September 2018 levels,” ani Mendoza.
Magugunita na umabot sa 6.8% ang inflation rate noong Setyembre 2018 dahil nagtaasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang mga pagkain na ayon sa mga militanteng mambabatas ay dahil sa Train law.
“There have been no rollbacks in the prices of sardines, sugar, and other basic foods,” ani Mendoza kaya hindi aniya ramdam ng mga ordinaryong mamamayan ang pagbaba ng inflation rate.
Ganito rin ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate dahil kung mamamalengke lamang umano ang mga economic managers ng gobyerno ay personal nilang malalaman kung may pagbabago ba sa presyo ng mga bilihin simula noong nakaraang taon.
“Maski mag-zero pa yang inflation na yan at mataas pa rin ang bilihin ay wala itong magandang epekto sa mamamayan,” ani Zarate kaya hindi isinusuko ng mga ito ang kanilang laban na bawiin ang TRAIN law.
“Ang ibinibida lang ng mga economic managers dahil dito ay ang pagganda daw ng credit ratings ng bansa pero di naman ito nararamdaman ng mga consumers. Kaya naman din tuluy-tuloy ang pagpa-file namin ng mga panukalang batas para mapababa ang presyo ng bilihin, maibasura ang endo at taasan ang sahod ng mga manggagawa dahil ang mga ito ang makatutulong upang umangat ang buhay ng ating mga kababayan,” ayon pa sa mambabatas.
246