NANAWAGAN ang iba’t ibang grupo para suportahan ang malaking protesta na isasagawa bukas, Sept. 21 sa tapat ng Comelec main office sa Maynila kaugnay sa anila’y dayaan sa nagdaang 2022 elections.
Ikinakalat sa social media ang poster na naglalaman ng paanyaya para sa programang gaganapin sa nasabing araw.
Ang pagkilos ay kinabibilangan umano ng mga grupong : Concerned Retired Military & Police Officers, Concerned UP Vanguards, katuwang ang Clergy for the Moral Choice, Solidarity for Truth and Justice, Cordillera Indigenous Peoples at iba pa, na sumusuporta sa laban ng TNTRio.
Idaraos ang programa mula 9:00am-12:00pm sa Plaza Roma tapat ng Comelec. Sisimulan ito sa pagrorosaryo ganap na alas-9 ng umaga. Susundan ng Novena pagsapit ng 9:30, Banal na misa ng 10:00am at pagbibigay ng talumpati ng iba’t ibang sektor at cultural presentation, 11:00am.
Magkakaroon din ng noise barrage ng 12:00pm at 6:00pm.
Iginigiit ng mga ito na imbestigahan ang 2022 elections sa gitna ng mga naglalabasang impormasyon ng iregularidad.
Nauna nang nanawagan ang mga ito ng suporta at nangalap ng lagda para sa People’s Mandamus upang hilingin sa Commission on Elections na ilathala ang totoong transmission logs sa nasabing halalan.
Matatandaang isang araw lamang matapos ang May 9, 2022 polls ay naglunsad ng protesta ang ilang grupo na nanawagang panagutin ang Comelec sa mga naiulat na anomalya sa eleksyon.
Inihalintulad din ni Prof. Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya, ang halalan noong isang taon bilang “pinakamalala, pinakabulok, at pinaka-walang hiya sa usapin ng pandaraya,” dahil umano sa kapalpakan ng Comelec at Smartmatic.
Para naman sa grupo ng mga sundalo na lumagda sa People’s Mandamus, may karapatan ang bawat Pilipino na malaman ang buong katotohanan hinggil sa May 2022 elections. Sa pamamagitan ng paglabas ng tunay na Authenticated Transmission Logs, makatitiyak anila sila na ang tunay na kagustuhan ng mamamayan ang namayani.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
228