PULIS, SUNDALO BIBIGYAN NG LIBRENG ABOGADO

BIBIGYAN ng legal assistance o libreng abogado ang mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel upang hindi na sila gumastos ng sariling pera para sa abogado.

Nakasaad sa House Bill (HB) No. 8 o Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act na inakda nina Leyte Rep. Martin Romualdez, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos at iba pa na ang mga tutulungan ay iyong makakasuhan lang sa pagganap sa kanilang trabaho at hindi kasama ang mga personal na kaso.

“Service-related incident refers to any act or omission committed by MUPs in good faith that is the consequence of the discharge of their official functions or the performance of their duties, or that is relevant to their office or to the discharge of their official functions,” paglilinaw sa nasabing panukala.

Kabilang sa mga MUP ang Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Philippine Coast Guard (PCG).

Unang inihain noong 18th Congress ang nasabing panukala bilang tugon sa pangako ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis na tutulungan ang mga ito kapag nakasuhan dahil sa war on drugs.

Subalit hanggang sa lebel ng House committee on justice lamang ito inaprubahan at hindi nakaabot sa plenaryo para sa ikalawa at ikatlong (huling) pagbasa kaya muli itong inihain nina Romualdez at Marcos.

Ikinatuwa naman ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang nasabing panukala.

Sa isang pulong balitaan, inihayag ng bagong talagang tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, Col. Medel Aguilar na malaking bagay at napakalaking tulong sa kanilang organisasyon ang batas na nais isulong ng batang kongresista mula sa Ilocos Norte.

Ayon kay Col. Aguilar, maraming pagkakataon sa kanilang operasyon o mga nirespondehan ay may legal issues silang dapat tugunan lalo ngayon na agresibo ang kasundaluhan sa pakikipaglaban sa insurgency.

Umaasa rin si Col. Aguilar na magkaroon ng tiyak na commitment ng mga abogado o legal counsels para sa kanilang hanay. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL)

115

Related posts

Leave a Comment