BINIGO ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang ‘mass gathering” o rally para suportahan ang ABS-CBN na ipinasara ng National Telecommunications Commission (NTC) matapos mapaso ang kanilang prangkisa.
Ito ang opinyon ng isang mambabatas sa Kamara kaugnay ng pagsisimula ng pagdinig ng House committee on legislative franchise bukas, Martes, Mayo 25, sa 25 year franchise extension ng nasabing network.
Ayon sa mambabatas na hindi na babanggitin ang pangalan, kung wala umanong ECQ kung saan ipinagbabawal ang maramihang pagtitipon, malamang aniya na susugod sa Batasan Complex ang mga supporter ng ABS-CBN.
“The pandemic ECQ made it difficult for them to have mass gatherings to gain support,” opinyon ng mambabatas.
Karaniwang nagkakaroon ng mass gathering o rally sa Batasan Pambansa kapag may tinatalakay na panukala para suportahan o kaya tutulan ito kaya kung wala aniyang pandemic, inaasahan na gagawin ito ng mga supporter ng ABS-CBN.
“But sorry, bawal ang mass gathering,” ayon pa sa mambabatas kaya idinadaan na lamang sa on-line petition ang suporta sa nasabing network na ginagawa sa kasalukuyan.
Sinabi ng kongresista na kaya ng mga may-ari ng nasabing network na magpa-rally para suportahan ang kanilang itinutulak na panibagong prangkisa lalo na’t maraming alagang artista ang mga ito.
Samantala, sinabi naman ni Isabela Rep. Tonypet Albano, vice chairman ng nasabing komite na magiging komprehensibo at malawak ang isasagawang pagdinig ng komite sa prangkisa ng ABS-CBN.
Kailangan aniyang marinig muna ang mga pro at anti sa nasabing panukala bago magdesisyon ang mga ito kung bibigyan ng panibagong 25 taong prangkisa o hindi ang nasabing network.
Sa deliberasyon ng House Bill (HB) 7632 na kalaunan ay inatras ng liderato ng Kamara, nagpatikim na ang ilang mambabatas na kabilang umano sa atraso ng ABS-CBN ang foreign ownership, paglabag sa batas sa pagbubuwis, labor law at pakikialam diumano ng network sa mga nagdaang eleksyon sa bansa mula 2004 hanggang 2019. BERNARD TAGUINOD
