(NI BERNARD TAGUINOD)
BALIK sa makapangyarihang Commission on Appointment (CA) si Davao del Norte Rep. Antonio R. Floirendo, Jr, makalipas ang mahigit isang taon.
Pinanumpa ni CA Chairman at Senate President Vicente “Tito” Sotto III si Floirendo sa isang simpleng seremonya sa Senado Miyerkoles, Enero 30, 2019, bilang Assistang Majority Leader ng komisyon.
Nawala ang posisyon ni Floirendo sa CA noong Mayo 2017 sa gitna ng kanilang hidwaan ng kanyang dating kaibigan at dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Tinanggalan din ng membership si Floirendo sa PDP-Laban party kung saan tumatayong secretary general si Alvarez sa gitna ng kanilang away.
Natanggal bilang House speaker si Alvarez sa araw mismo ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2018 kung saan pinalitan ito ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Ang CA, ang nagdedesisyon kung kukumpirmahin o hindi ang mga appointees ng Pangulo sa mga ahensya ng gobyerno kasama na ang mga diplomat at maging ang pagtataas ng ranggo ng mga opisyales ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bagama’t mga miyembro ng Senado at Kamara ang bumubuo ng komisyon ay inituturing na “independent” ito sa dalawang Kapulungan ng Kongreso o Legislative branch of government.
276